Sunday, March 24, 2013

Kapangyarihan ng Utak: Kontrol sa Mga Emosyon atbp.



                  

Uhmmm.
                 Pagnilay-nilay: Ganito ang ginagawa ng mga tao kapag gusto nilang makamit ang estado sa buhay na tinatawag na...
                  Sa Buddhism, nirvana. Sa Hinduism, moksha. Sa Islam, fanaa. Sa isang salita: Kapayapaan. Kalayaan. Nakasentro ang lahat ng mga relihiyon sa kaiisa-isang konsepto na ito: kaliwanagan (God, 2013). Sa panahon na maliwanag na ang lahat sa kaluluwa. Ngunit--- shhh! Sobrang hirap pumasok ng masaya sa estado na ito ng katahimikan dahil sobrang ingay. Nakakainis. Nakakalungkot. Nakakapagod. At kapag masaya ka, masaya ka para sa maikling panahon lamang.  Hinding hindi nagtatagal ang kasiyahan mo.
                  Siguro iisipin mo na hindi mapigilan ang mga emosyon na nararamdaman mo. At totoo ito...pero mali din siya.  Ipapakita ko na ang solusyon ay nasa utak—literal ay nasa utak.
                  Alam nating lahat na ang utak ay ang piloto ng mga sistema ng ating katawan; pati na rin ating mga iniisip at nararamdaman. May mga rehiyon sa utak na nagkokontrol sa ating mga galaw, nakikita, narininig, nasasabi, at iba pa. Nasa utak din ang konsensiya at mga alaala natin.  May bahagi ng utak na nagpapatakbo ng mga circuit na gumagawa ng ating abilidad na magsalita sa komplikadong wika, o maghanap ng solusyon sa isang mahirap na problema sa matematika.  May mas malalim pa na bahagi ng utak natin na responsable para sa mga emosyon natin. Ang tawag sa bahagi na ito ay ang limbic system (Taylor, 2008).
                  Sa limbic system, nagkakaroon ng mga stimuli na nagpapatakbo ng mga emosyonal na reaksyon natin. Halimbawa, kapag nakikita ko ang kulay na berde, nagiging kalmado ako, pero kapag nakikita ko ang kulay na pula, natatakot ako. Gusto ng guro ko na sa klase, aktibo ang aking hippocampus at hindi ang aking amygdala para makapag-aral  akong mabuti kaya pipinturahan niyang berde ang lahat ng mga pader sa paaralan.  Pero kung gusto niyang matakot ako, ang kailangan niya lamang gawin ay pinturahan ng pula ang mga pader. (Taylor, 2008)
                  Siguro ang hindi alam ng mga tao ay tumatagal ang mga emosyonal na reaksiyon natin ng siyamnapu na segundo lamang. Oo, sa loob ng isa’t kalahating minuto ay magkakaroon ng stimulus ang limbic system ko, magpapadala siya ng angkop na emosyonal na circuit na iikot sa buong katawan ko, at mawawala kaagad ang emosyon na ito sa blood stream ko (Taylor, 2008).  Kapag nararamdaman ko pa rin ang emosyon na iyon pagkatapos ng isa’t kalahating minuto, ito ay dahil pinili kong manatili ang emosyon na iyon sa katawan ko at sa isip ko. Halimbawa, nakakita ako ng kulay na pula. Dahil nakita ko ang kulay na ito, matatakot ako, pero dapat magtatagal lang ito sa loob ng isa’t kalahating minuto.  Kapag pagkatapos ng oras na iyon ay takot pa rin ako, ito ay dahil pinili kong maging takot pa rin pagkatapos ng oras na iyon.
                  Nasa atin lang ang mga gusto nating maramdaman—kapag gusto mong maging masaya, magiging masaya ka; at kapag gusto mong maging malungkot, magiging malungkot ka. Maaari na iisipin mo na baka nawala na ang abilidad mo na maging masaya, pero hindi totoo iyon. Nasa utak mo pa rin ang circuit ng kasiyahan; baka natatabunan lang siya ng ibang emosyonal na circuit katulad ng kalungkutan.  Baka pinili mo  o mas gusto mong maging malungkot. Para maiwasan ang mga ganito, kailangan na bigyan mo ng atensiyon ang utak mo at mga iniisip at nararamdaman nito. Kapag may nararamdaman kang emosyon na ayaw mong maramdaman, tingnan mo kung ano ang magiging reaksiyon ng katawan mo. Halimbawa, bibilis ba ang tibok ng puso mo? Pagkatapos nito ay maghintay ng isa’t kalahating minuto para mawala ang damdamin, at pagkatapos ng panahon na iyon ay nararamdaman pa rin ito, kausapin ang sarili at sabihin sa utak na mawala na ang emosyon na ito. Maghanap  kang ibang stimulus na magpapatakbo ng ibang emosyonal na reaksiyon na gusto mo.
                  Nakakatuwang isipin na nasa kamay–o, nasa utak—natin ang desisyon na maging masaya, o magkaroon ng kapayapaan sa sarili.  Balikan natin ang salitang nirvana—ang estado ng buhay kung saan isa lang kayo ng sansinukob (God, 2013). Pinag-aralan ang mga utak ng mga Tibetan na monghe at Franciscan na madre habang sila ay nagmumuni-muni, at nakita dito na mahina ang orientation association area ng utak (Taylor, 2008). Dahil dito, nadadama natin ang mga pisikal at spasyal na hangganan natin, at pati na rin kung paano tumatakbo ang oras. Nakapuwesto ito sa kaliwang utak natin, na nagbibigay ng ating identidad, alaala, at inidividuality. Ang isa pa namang hati ng utak natin, ang kanang utak, ay nakatuon sa orientasyon natin sa kasalukuyang sandali at sa paligid natin. Kapag mas mahina ang kaliwang utak, lalo na ang orientation association area, mararamdaman natin na mawawala ang mga pisikal na hangganan natin at pwede tayong magpokus sa kasalukuyang sandali, kung saan isa lang tayo ng sansinukob (Taylor, 2008).
                  Teka, sinasabi ko ba na produkto lamang ang tao ng kanyang imahinasyon? Kayo na bahala mag-isip tungkol dun. Kulang na ako sa oras at paksa siya para sa ibang TED Talk. Gusto ko lang sabihin na ang kapayapaan na hinahanap natin ay nasa loob lang ng isipan at katawan natin.  Nakamamangha dahil kapwa tayong kasingliit ng mga alikabok lamang ng mga bituin at kasinglaki ng buong kalawakan. Baka hindi natin mapigilan na maramdaman ang mga iba’t ibang emosyon, pero pwede nating piliin kung mananatili ang emosyon na iyon o hindi.  Tandaan: hindi maiwasan ang sakit, pero hindi sapilitan ang pagdurusa.

Mga Pinagkunan:
God and Religious Toleration. (Pinuntahan 24 Mar, 2013). Wikibooks. Kinuha sa http://en.wikibooks.org/wiki/God_and_Religious_Toleration.

Taylor, J. B. (2008). My Stroke of Insight. USA: Viking.


Wednesday, March 13, 2013

Personal


Ang paborito kong sanaysay sa Personal ay ang "Walkathon" sa p. 118. Katulad ng manunulat, naglalakad din ako papuntang paaralan pero magkaiba kami dahil hindi tulad niya, hindi ko 'to ginagawa dahil kailangan upang makatipid ng pera. Gustong gusto ko ito dahil inilarawan niya ang lahat ng mga dahilan kung bakit mahilig akong maglakad: ang mga makikita mo na magandang tanaw at lugar na pwede mong obserbahan, pagmasdan at lapitan kung gusto mo, hindi katulad ng pag nasa kotse, trike, tren, o jeep ka, na lahat lamang ng tanaw ay dadaan sa harap ng mata mo sa loob ng isang segundo, maliban kung traffic. 

Komputasyon ng Marka

Ano ang karapat-dapat na marka kong dapat makuha sa Fil12? Para malaman, kailangan kalkulahin. Tingnan natin ang batayan ng aking marka:

Mga papel, pagsusulit, at gawain = 60%
Pakikilahok sa klase = 10%
Pakitang-Gilas = 10%
Fil-TED Talk = 20%

Mga papel, pagsusulit, at gawain. Ginagawa ko naman lahat ng mga papel at gawain na pinapagawa.  Nagsulat ako hanggang sa pinakakaya ko; pinuntahan ko lahat ng mga kailangan puntahan at panoorin; at binayaran ko lahat ng mga dapat bayaran para sa mga dula at libro. Magis talaga at ginawa ko rin ang mga papel na bonus lamang at pinuntahan ko rin ang mga pangyayari kahit hindi kailangan, katulad ng sa Sa Wakas. May mga makikita pa nga na tatlong karagdagang blog post dito (ClickSinulid, OPM, at Katy) na ginawa ko kasi gusto ko lang at kahit wala talagang sinabi na gawin. Aaminin ko na medyo mababa ako sa mga pagsusulit pero naniniwala ako na hahatakin ng aking kasipagan sa paggawa ng mga bonus na gawain ang marka ko pataas.

Pakikilahok sa klase. Nakikinig ako ng mabuti sa klase at nakikilahok din naman ako.  Kapag may gusto akong sabihin, tinataas ko ang kamay ko at kapag may ibang nagsasalita, nakikinig ako.

Pakitang-Gilas. Nagustuhan naman ng klase at ni Ma'am ang pakitang-gilas namin ni Zarah.  Natuwa din ako sa paggawa nito at noong botohan ng kung sino ang may pinakamagandang pakitang-gilas, ang pakitang-gilas namin ni Zarah ang pangatlo sa mga may pinakamaraming likes. Ayon kay Ma'am, may katapat na bonus points din ito.

Fil-TED Talk. Nagandahan ako sa mga TED Talk na sinabi ni Ma'am na panoorin namin at gusto ko talagang maganda ang TED Talk ko; hindi para sa marka pero dahil gusto ko talagang mapukaw ang damdamin ng mga tao sa sasabihin ko. Gagawin ko ang lahat upang maging mahusay ang TED Talk ko at sana maganda naman ang makukuha kong marka. :)

Ayon kay Ma'am Jing, hindi na bababa ang final grade sa advisory grade; ang nakuha kong advisory grade ay B+.

Ayon din sa kanya, kapag perfect attendance ka mayroon kang one letter grade up; kahit kailan hindi ako lumiban sa klase. Kumpleto din lahat ng mga "dalawang tweet bawat linggo" ko. Hindi ko alam kung saan ako nagkukulang (maliban sa mga pagsusulit na medyo mababa ang marka ko, pero uulitin ko na sa tingin ko ay nakabawi naman ako dahil sa mga bonus), kaya sa tingin ko ang karapat-dapat na marka na dapat kong makuha ko sa Fil12 ay A.


Saturday, March 9, 2013

Katy


Noong ika-29 ng Enero, 2013, nanood kami ng nanay, tita, at tatay ko ng Katy: The Musical bilang pagdiwang ng kaarawan ng Ina ko. Ito ay tungkol sa buhay ng totoong Katy na Jazz Queen--kung paano siya sumikat, nagkaroon ng asawa, at umunlad sa industriya ng Broadway kahit umusbong na ang panahon na sumisikat ang mga pelikula. 

Ito yung pinakaunang beses na nalaman ko ang identidad at kuwento ni Katy. Ito rin ata yung pinakaunang beses na nakatagpo ako ng ganoong estilo ng musika, lalo na sa dula. Kakaiba ang boses ni Katy, isang powerhouse na boses na may guttural na aspeto na maganda. Sobrang galing ng lahat ng mga gumanap sa kanya, simula nang bata siya hanggang matanda na siya. Nagandahan ako sa musika kahit hindi ko karaniwang pinapakinggan ang mga ito at medyo makaluma ito. Para sa akin ang musika ang pinakamagandang bahagi ng dula.

Nakakatuwa din ang dula. Ang pinakapaboritong bahagi ko ay ang kung saan sikat na si Katy kaya kakanta na siya sa Estados Unidos. Pinapabago ang pangalan sa isang pangalan na Tsino, dahil yun daw ang sikat. Bago kumanta si Katy, sinabi niya sa lahat ng mga manonood niya na Filipina siya. 

Nakakatawa at nakakaaliw, ang dulang Katy ay puno ng makulay na musika at magandang kuwento na nagbibigay ng bagong perspektibo sa makabayan na Pilipino.

OPM


Masasabi na halos lahat ng mga Original Pilipino Music, o OPM, na pinapakinggan ko ngayon ay mga kanta na sikat sa radyo noong 2005 hanggang mga 2007. Sa ngayon,  medyo luma na ang mga kanta na ito. Hindi na ako masyadong interesado sa OPM, pero hindi dahil sa ayaw ko na sa kabuuan ng OPM. Ito ay dahil sa totoo lang, hindi na ako masyadong nagagandahan sa mga bagong OPM na kanta na ipinapalabas. 




Kaya dahil walang bago (na gusto ko), nawalan ng kaunti ang interes ko sa OPM. Pero noong napanood namin ang stage reading ng Sa Wakas, parang nabuhay ulit ang interes ko dito. Nag download ako kaagad ng mga kanta na nagustuhan ko sa Sa Wakas, katulad ng Kuwarto at Burnout ng Sugarfree. 

Pagkatapos nito, parang biglang lumabas ang mga bagong kantang OPM na maganda para sa akin. Pagkatapos ng ilang araw, ang aking playlist sa iPod ay naging puro OPM na.  Mayroong Tadhana ng Up Dharma Down, Pangarap Lang Kita ng Parokya Ni Edgar, at isang Ingles na kanta ("Take a Chance") na masasabi na OPM pa rin dahil Pinoy ang kumanta nito. 

Friday, March 8, 2013

8. Kalimutan ang Realidad: "Chapter Eight" at "A Love That Started With A Lie"


Sa sanaysay ni Joi Barrios na “Chapter Eight (O Kung Paano Magsulat ng Romance Novel)”, inilarawan niya ang mga katangian na taglay dapat ng mga tauhan at istorya sa isang matagumpay na romance novel.  Naaliw ako dito sapagkat dito ko lang nalaman na dapat masaya palagi ang wakas ng ganitong klaseng libro.  Ngunit ang pinakakawili-wili na bahagi ng sanaysay niya ay ang paglalarawan niya ng Chapter Eight.  Sa Chapter Eight daw ginagawa ang mga desisyon---sa totoong buhay, madalas malungkot ang mga desisyon na ito.  Sa mundo naman ng romance novel, palaging di pinapansin ang mga problema at pinipilit ang masayang wakas.

Ang napili kong libro na basahin ay ang Precious Hearts Romances: A Love That Started With A Lie ni Maricar Dizon.  Ang babaeng bida ay si Elay, isang babae na nagmamay-ari ng restawran na Single Ladies Buffet.  Ang bidang lalaki naman, si Miguel, ay ang mayamang kaibigan ng kanyang kuya na nagmamay-ari ng isang bar.  Ayaw ni Elay magkaroon ng asawa pero gusto niyang magkaroon ng anak; noong ika-31 na kaarawan niya ang nahanap niyang solusyon dito ay ang magkaroon ng one night stand.  Hindi niya alam na ang nakilala niyang lalaki sa bar ay kaibigan ng kuya niya at dahil gustong gusto ng mga kuya niya na mag-asawa na siya, pinipilit nila si Elay na makilala ang mga kaibigan nila.  Dahil dito, nagkatagpo ulit sina Elay at Miguel, nahulog na rin sila sa isa’t isa, at nagpakasal sila.

Saktong sakto ang mga tauhan sa mga nilarawan ni Joi Barrios sa sanaysay niya.  Maganda si Elay at may kaya siya.  Patay na patay si Miguel (na matangkad at gwapo) sa kanya, kaya lang sa una ayaw ni Elay sa kanya at akala niya na pangit ang ugali nito.  Inilarawan ng mabuti ang mga pisikal na bahagi ng relasyon ni Elay at Miguel.  Katulad ng sinabi ni Joi Barrios, nagkaroon nga ng aksidente ang isang tauhan (bidang lalaki) at hindi sigurado kung magiging masaya nga ang kuwento—pero siyempre, romance novel ito, kaya gumaling kaagad ang lalaki at nagkaroon pa sila ng anak.

Hindi ko nagustuhan ang aklat.  Hindi talaga ako mahilig sa mga ganitong kuwento dahil para sa akin, parang masyadong madaling hulaan ang mga mangyayari (nabanggit nga ni Joi Barrios lahat o halos lahat).  Napangitan pa ako sa istilo ng pagsusulat—gumamit siya ng Taglish. Parang masyadong peke din ang kuwento at mga iba pang kuwento na kauri niya dahil masyadong pilit ang masayang wakas.  Mas gusto ko pa ang wakas na malungkot, pero makatotohanan. 

Sa Chapter Eight ng kuwento, sinabi ni Miguel kay Elay na magpakasal sila. Nagsabi naman si Elay ng oo.  Dahil ito nga daw ang kabanata ng mga desisyon, mas lalo lang nakakainis kasi parang maikling panahon pa lang na magkakilala sina Miguel at Elay ay magpapakasal na sila.  Pinilit pa ni Miguel si Elay na magbigay ng sagot kaagad at parang hindi naman masyadong pinag-isipan ni Elay ang bigat ng tanong na ito. 

Siguro mapahahalagahan ng ibang tao ang mga ganitong aklat pero iiwasan ko na ang mga ganitong libro, kahit masaya ang wakas.


Tuesday, March 5, 2013

7. Kagitingan at Katapangan: Babaeng Manunulat sa Media


Nakakatakot magsulat. Kapag hindi ka manunulat, hindi karaniwan ang opinyon na ito. Minsan nakakalimutan ng mambabasa ang kapangyarihan ng mga salita, ang mga kayang gawin ng isang pangungusap. Sa isang lipunan na patriarkal, maaaring isipin din na mas nakakatakot at mas mahirap magsulat kapag babae ka. Ngunit pinakita nila Ma. Ceres P. Doyo, Jo Ann Q. Maglipon, at Marites D. Vitug sa "Women Writers in Media Now" noong ika-21 ng Pebrero, 2013, na ang isang babaeng manunulat ay walang pagkakaiba sa lalaking manunulat at taglay niya ang katangian ng katapangan. 

Nagkuwento si Ma. Ceres P. Doyo tungkol sa kanyang buhay sa Philippine Press at balita na ginawa niya tungkol sa kamatayan ni Macli-ing, isang napakadelikado na paksa na naging dahilan ng pinakaunang military interrogation. Nagkaroon ng panahon kung saan under siege ang Philippine Press, ngunit nagtuloy pa rin si Ma. Ceres P. Doyo sa kanyang "dangerous writing". Si Jo Ann Q. Maglipon naman sa larangan ng showbiz writing ay nakatagpo ng maraming kaso kung saan marami ang nairita sa kanya, katulad ni Richard Gutierrez. Kahit humingi na ang patnugot na ito ng Yes! Magazine ng paumanhin, kinasuhan pa rin siya. Si Marites D. Vitug naman ay nagkuwento tungkol sa mga lawsuits at libel. Binigyan-diin niya ang kahalagahan ng mga pinagmulan mo at ang konteksto nito. 

Makikita sa tatlong babaeng manunulat na ito sa Filipino media ngayon na sa lahat ng mga katangian na hinahanap sa isang manunulat, ang pinaka-kahanga-hanga ay ang katapangan.  Kahit tinatakwil at tinatakot na sila, pinipili pa rin nila ang magpatuloy sa pagsusulat ng kung ano ang totoo kahit marami ang maiinis at magagalit.  Pinahatid din nila ang mensahe sa pinakaangkop na paraan na maisip nila, at ginamit nila ng maigi ang biblyograpiya nila.  Sinabi din nila na wala sila masyadong naramdaman na pag-iiba ng turing sa kanila bilang manunulat dahil lang babae sila. 

“Courage is at times in short supply. If anyone asks what I admire most in a journalist:... I would go straight to courage […] You will want to tell the story as it is, of a world that is both real and unreal.”

“Journalism is not about making lies...it's about telling a story straight, unvarnished.”


Makikita sa mga sinabi nila dito na hindi lamang grupo ng mga salita ang isang artikulo—salamin ito ng lipunan, at minsan ang salamin na ito ay nakamamatay. Malakas at matapat ang puso ng taong gagawa ng salamin na ito. 
Ako yung pang-apat na tao mula sa kaliwa sa pinakamababang hilera. :)


Monday, March 4, 2013

Kahoy, Koreograpiya, at Kapalaran: Ang Kakaiba sa Dulang "Labaw Donggon" ng Ateneo Entablado


Nakakaibang karanasan ang Labaw Donggon. Pinanood ko ito noong gabi ng ika-8 ng Pebrero kasama ang mga kaibigan ko. Pinalabas ang dula na ito hindi sa loob ng isang teatro kung 'di sa labas--sa may bukid sa tapat ng Cervini--para sa anibersaryo ng Ateneo Entablado.

Ang isa sa mga nakakaibang elemento na ito ay ang kanyang set. Sa may bukid ng Cervini gumawa na ang Entablado ng sarili nilang teatro na gawa sa kahoy. Natuwa ako dahil pati ang teatro, may kahulugan -- ang yaring kahoy ay sumisimbulo sa lupa na pinanggalingan natin at ang entablado na bilog ay sumisimbulo sa mundo. Masasabi rin na magandang estratehiya ang pagpili na gawin sa labas ang kuwento, kung saan nararanasan ng mga manonood ang kalikasan. Naramdaman ko talaga ang mga bituin, araw, at buwan, at nag-apela pa ng malakas sa mga pakiramdam ko ang dula. Nagandahan ako sa itsura ng mga bulaklak na natural na nahuhulog mula sa mga puno at nasarapan ako sa hangin na nanggugulo sa buhok ko.

Ang isa pa sa mga na nagustuhan ko sa Labaw Donggon na hindi karaniwan ay ang kanyang koreograpiya at papel ng koro at iba pang mga extra. Hindi katulad ng mga ibang dula na napanood ko, mas pansin ko sila dito dahil kahit koro lang sila sobrang ganda ng mga sinasayaw at kinakanta nila. May mga stunts pa sila at naaliw ako sa galaw ng paa nila, na kitang kita dahil nasa baba ang entablado at nasa taas ang mga manonood. Upang mas maka-apela sa kabataan (ang kanilang target audience), ginawa nilang mas kontemporaryo ang mga sayaw at musika. Nagkaroon ng mga hiphop na sayaw at metal rock na musika. Para sa akin maganda ang naging kinalabasan ng paghahalo ng luma at bagong musika at sayaw. Tugma rin ito sa isang tema ng Labaw Donggon na mahalaga ang pagbabalik sa kung ano tayo dati pero di tayo dapat hihiwalay sa kung ano tayo ngayon.

Natuwa din ako sa mga bahagi ng dula kung saan gagawin ng isang tauhan ang "breaking the fourth wall" at kakausapin niya ang mga manonood at sa mga bahagi kung saan naka-juxtapose ang mga pangyayari. Nakakatawa din ang pinakamatalik na kaibigan na si Labaw Donggon na nagsilbing comic relief. Katulad ng tauhan na ito, marami ang mga tauhan na magugustuhan mo at ikatutuwa mo talaga. Para sa akin hindi kasama si Labaw Donggon dito, pero kasama ang pangatlong asawa niya at ang orihinal na asawa nito. Mahal na mahal nila ang isa't isa pero pareho nilang pinili ang bitiwan ang pagmamahal nila upang maganap ang kapalaran at mabuo ang sanlibutan. Dahil epiko nga ang kuwento, medyo paulit-ulit ito at nainis ako kay Labaw Donggon dahil sa dulo parang hindi naman siya masyadong magandang bida para sa akin--nagnakaw pa siya ng asawa ng iba at mga anak niya pa ang pumatay sa kontrabida. Pero sa kabuuan ay nagustuhan ko naman ito, lalo't lalo na dahil sa magandang produksyon.

Sunday, February 24, 2013

Sinulid

Dalawa sa mga bagay na ginagawa ko kapag malungkot ako ay magsulat at tumingin sa itaas.

Hindi sa kisame, pero sa langit.  Doon sa mga ulap na sumasayaw, o ulan na nahuhulog, o bituin na nagniningning. Doon sa bagay na iyon na kulay asul, o minsan kulay-abo, at kapag suwerte ako maaabutan ko siya na kulay lila at pula.  Doon sa malaking kalawakan na iyon na sakop ang buong mundo natin.  Dito ang bahay ng buwan, ang tahanan ng araw. Dito ang kaligayahan ko.

Kadalasan, malungkot ako sa kadahilanang labis ang pagdadalamhati at pagnanais ko para sa nakaraan.  At sino naman ang hindi ganito? Sino ang hindi gustong maging bata ulit at tumakbo at maglaro ng walang mabigat na iniisip? Sino ang hindi gustong bumalik sa dating mataas na paaralan at yakapin ang mga kaibigan ulit na mahirap nang makita ngayon dahil okupado kayong lahat palagi? Sino ang hindi gustong pumunta ulit sa lugar at panahon kung saan nakahawak siya sa kamay mo, nakayakap sa iyo, nagbibigay pa ng mga bulaklak sa iyo sa Valentine's Day kahit 'di niya yata alam na ayaw mo na binibigyan ka ng bulaklak?

Kaya ito ang naisip kong paraan upang mawala ang lungkot ko kaagad.  Ang langit ay nagsisilbing isang paalala sa akin na magkaugnay ang lahat ng mga tao at bagay.  Sakop nga niya ang buong mundo natin, di ba? Kahit saan ako pupunta, naroon siya.  Nakakahanap ang puso ko ng kapayapaan sa kaalaman na kapag nakatingin ako sa langit, baka nakatingin din dito ang mga tao na naging bahagi ng mga alaala ko.  Baka iniisip din nila ang iniisip ko: pareho kaming nasa ilalim ng nakakamangha na bagay na ito.  Isa lang ang langit, at kahit magbago ang takbo ng mundo hindi pa rin ito magbabago.  Kung mahulog man ito, mahuhulog siya sa lahat ng tao.  Ito ang kaisa-isang sinulid ko na nagbibigay ng koneksiyon sa akin sa lahat ng lugar, lahat ng bagay, lahat ng kaluluwa sa daigdig.

At dahil di nga siya nagbabago, saksi siya sa lahat ng nangyari sa akin, masaya at malungkot.  Dala ng isang sinag ng araw ang ligaya ko noong una kong narinig ang umaalingawngaw na tawa ng kapatid ko.  Inilalarawan ng mga tala ang mga pangarap ko simula pa noong bata ako.  Ang isang patak ng ulan ay isang malungkot na alaala, at sa bawat paghulog nito maaari ko ring hayaan na mahulog at mawala sa isip ko ang mga malungkot na alaala na ito...kung magagawa ko lang na bitiwan sila at hayaan na mawala. Nakatago daw ang Diyos sa mga ulap, at tumitingin sa atin mula sa puwesto niya dito, naninigurado na ligtas tayo sa mga mapanganib na bagay.  Ang langit ay isang simbolo ng pag-ibig Niya para sa atin, ang bahaghari isang tanda ng Kanyang mga mabubuting pangako.

Pagkatapos kong isipin 'to, hindi na ako malulungkot.  Mapapangiti na ako at mahahanap ko ang inspirasyon na tumuloy sa pagyapak sa landas na magdadala sa akin sa kapalaran ko.  Maganda ang langit.  Buti na lang nilikha ng Diyos ang kahima-himalang bagay na ito.

Sunday, February 17, 2013

6. Aso ko si Lord of the Rings


Takot. Hindi ako makapaniwala na noong unang pitong taon ng buhay ko sa daigdig na ito, kapag nakakakita ako ng aso ang ginagawa kaagad ng dalawang paa ko ay tumigil o kaya'y tumakbo palayo. Hinding hindi sila uusad papunta sa aso. Yung dalawang kamay ko naman ay itinataas ko at inilalagay ko sa harap ng katawan ko upang mabigyan ito ng proteksiyon, lalo na ang mukha ko. Hinding hindi sila lalapit sa aso, kahit sobrang lambot ng balahibo at sobrang hinhin ng galaw nito. Ang mga labi ko ay nakaposisyon sa isang baliktad na U--tila nakangiti--ngunit ang mga mata ko ay naglalahad ng kuwento ng sobrang takot, bagabag, at kaba. Ang katawan daw ay may fight or flight response, at kapag nagharap ka ng aso sa akin noon ang agad kong reaksyon dito ay flight. 

Nakakatawang isipin na takot na takot ako sa aso dati kasi noong simula pa, bahagi na ng karaniwang buhay ko ito. Sa bahay, may pamilya, may katulong, at may aso. Ganito palagi mula noong sanggol ako, kaya dapat sanay na ako sa mga hayop na ito. Araw-araw may nakikita akong mga askal na tumatambay palagi sa labas ng bahay namin. Dagdag pa dito ang buong pamilya ko mula lolo hanggang tita hanggang magulang na sobrang mahilig sa aso. Sa totoo lang, paboritong hayop ko rin ito.  Eh paano ba naman, sobrang cute kasi nila--pero kasabay ng sobrang nakakagigil na mukha nila ang sobrang tulis na ngipin, naglalaway na bunganga, nakakasugat na kuko at malakas na tahol. 

Kaya kapag uuwi ako noong bata ako, ipapatali palagi ang aso. Kapag kasama ko ang mga kaibigan ko at magsasabi sila ng, "Uy! German shepherd! Ang cute naman!" sabay turo, sisigaw ako ng "ASO! AAAAH! SOBRANG CUTE NAMAN!" tapos lalayuan ko kaagad. Mula pinakamaliit at inosente na chihuahua hanggang pinakamalaki at pinakanakakatakot na St. Bernard, ayaw na ayaw kong lapitan lahat ng mga aso kahit gustong gusto ko sila. Mamahalin ko na lang sila mula sa isang malayong distansya, sabi ko. 

Ganoon ako dati. 

Una. Ang pangpitong taon ng buhay ko ay ang taon din na lumipat kami ng bahay. Mula sa isang mainit, maingay, at magulong distrito sa Manilabumalik kami sa lugar kung saan ako ipinanganak, sa Baguio, at napunta kami sa isang condominium na maganda, malamig, at tahimikMalapit siya sa Burnham. Ang condo na ito ay parang village--malaki siya, may gate at mga guwardiya, at binubuo ng pitong gusali. Nakatira kami sa Building 5. Mayroon ding palaruan na malaki. Bilang bata, parang langit na ang palaruan na ito para sa akin. Dalawang slide, limang swing, monkey bars, seesaw, at kung ano-ano pang mga mahahanap mo sa isang palaruandi bali na kadalasan, mag-isa lang ako maglaro (wala pa kasi yung kapatid ko noon)Ang maganda dito ay wala akong kaagaw sa paborito kong swing na kulay asul. 

At wala masyadong aso dito sa condo ko. Kung meron naman, nakatali palagi siya kapag natatagpuan ko.
Masaya naman ang buhay ko noon kahit kadalasan mag-isa lang akong kumain ng dinner dahil wala pa ang mga magulang ko at marami ang mga Sabado at Linggo na wala sila dahil sobrang okupado nila sa trabaho. Ayos lang ito sa akin at naiintindihan ko naman. Nakakasama ko pa naman sila kahit papaano. Inilalaan ko na lang ang oras na ito para sa pagbabasa ng libro, panonood ng TV o paglalaro ng kompyuter. Siguro naisip ng mga magulang ko na may kasalanan sila sa akin dahil tinanong nila kung nalulungkot ba ako dahil kadalasan mag-isa lang ako palagiSabi ko hindi naman. 

Pero hindi yata sila naniwala, dahil isang umaga, habang nagbabasa ako sa kama at naghihintay sa kanila, pumasok sila ng kuwarto ko at sa isang kamay ng nanay ko may hawak siyang stuffed toy na poodle--kaso gumagalaw ang ulo at mga paa ng stuffed toy na ito. Iniinspeksyon niya ang kuwarto gamit ang dalawang itim na mata. 

"Anak, mag-hi ka sa bagong kapatid mo!" May ganoon na sinabi ang mga magulang ko bago ilagay siya sa ibabaw ng kama. Yung maliit na tuta na ito naman, agad-agad siyang tumakbo sa akin. Parang alam niya kaagad na ako ang bagong may-ari niya. Sobrang bait talaga ng ekspresyon sa mata niya, at nakatingin siya sa akin ng parang may hinihintay na himas. 

Sa kaisa-isang sandali na iyon, nawala lahat ng takot at pangamba ko sa mga aso. 

Dinilaan niya ako kaagad at malambot at kulot ang balahibo niya na kulay apricot (hindi ako nagbibiro, ito talaga yung nakalagay na kulay sa birth certificate niya; ang kahulugan nito ay halong light brown at puti). Sobrang liit niya talaga. Kasya siya sa maliit na palad ng pitong taong gulang na sarili ko. Mga tatlong buwan pa lang ata yung gulang niya. Kumekembot-kembot ang kanyang puwet na may maliit na buntot (maikli ang buntot ng aso ko ngunit dapat mahaba, ewan ko lang kung bakit maikli yung sa kanya. Baka pinutol) at ang kahulugan daw nito ay masaya siya. Binuhat ko siya at tiningnan ng maigi ang dalawangmasigla na mata; isang maliit, itim, at mamasa-masa na ilong; at dilang nakalabas dahil hingal na hingal ata sa sobrang sayaNiyakap ko siya ng mahigpit (ngunit hindi sobrang higpit, tuta pa siya at baka masaktan) at dito ko napansin na sobrang saya ko pala. Hindi ko na inisip ang sobrang tulis na ngipin, naglalaway na bunganga, nakakasugat na kuko malakas na tahol. 

Naglaro kami ng unang aso sa buong bahay ko na nagtanggal ng takot at nagpahigit ng pagmamahal ko para sa kanila. Lumabas kami ng kuwarto at pinakita ko siya sa aking mga magulang. Inilahad ko sa kanila ang aking labis na saya at pasasalamat nang biglang may naramdaman akong medyo mainit na pakiramdam sa kamay ko. Tumingin ako at dito ko namalayan na umihi pala ang aso ko sa aking mga kamay. Simula noon, yung unang beses na magpapakilala ako sa lahat ng mga magiging aso namin, iihi sila sa akin. Ewan ko lang kung bakit. Ginagawa daw nila yun bilang pagmamarka sa teritoryo nila. Kung ganoon, masaya ako kasi itinuturing nila ako bilang teritoryo nila, isang lugar kung saan sila bumabalik, isang tahanan. 

Pero yung maliit na aso na iyon na kulay apricot at sobrang malikot na dinala sa kin ng mga magulang ko-- Siya ang unang teritoryo ko na aso. At ako ang unang teritoryo niya na tao.

PangalanSiyempre, ang unang isyu -- ano ang pangalan niya? Sabi ng mga magulang ko na ako daw ang bahala. Tinanong ko kung may pangalan na siya at sabi nila ang pangalan na binigay sa kanya ng nagbenta sa amin ng aso ay Sarge. Ayaw ko sa pangalan na ito hindi dahil napapangitan ako sa kanya kung di dahil hindi ako ang nagbigay ng pangalan na ito. Kaya dapat bigyan ko siya ng bagong pangalan sapagkat akin na siya.

Kaso lang... kaso lang... wala ako maisip.

Ngunit tadhana ata na noong Sabado na iyon may pinagawa ang Ate ko sa akin.  Mahilig kasi siya sa literatura at media. Isa sa mga sikat na sikat na pelikula at libro noon na pareho naming gusto (lalo na siya) ay ang Lord of the Rings. Tungkol ito sa isang grupo ng mga mistiko na tauhan na naglakbay at nagkaroon ng maraming passbook upang sirain ang singsing na nagbibigay ng korupsyon sa mga tauhan sa kuwento.Sabi niya sa akin hanapin ko daw ang Elven at Hobbit (dalawang uri ng mytolohikal na tauhan sa kuwento) na pangalan niya sa Internet. Sabi niya na kung gugustuhin ko hanapin ko rin yung sa akin.

Kaya noong dinala ako sa Internet shop (wala pa kasi kaming Internet sa bahay noon), naghanap ako ng Elven at Hobbit name generator sa Google.  Kailangan muna ilagay mo pangalan mo tapos pagka-click, lalabas ang iyong Elven Hobbit na pangalan.  At dito ko nakuha ang pangalan ng aso ko.  Nilagay ko ang lahat ng mga pangalan na puwedeng ilagay -- pangalan ko, palayaw ko, pangalan ng tatay ko, palayaw ng tatay ko, pangalan ng nanay ko, palayaw ng nanay ko, pangalan ng lolo ko, pangalan ng lola ko, etc. at sinulat ko lahat ng mga lumalabas na pangalan sa dala kong kuwaderno (oo, wala rin kaming USB noon). Napuno ang buong pahina ng mga posibleng pangalan ng aso ko. Gumawa rin ako ng pananaliksik tungkol sa kanya.  Isa siyang toy poodle, at bagay daw ang mga aso na ito bilang pambahay na aso.  Ang kahulugan nito ay ayos lang na iiwan mo sila sa bahay buong araw.  Basta bigyan mo sila ng pagkain at tubig, maglakad naman pa rin kayo kahit minsan lang, at mahalin mo sila.

Mula sa mahabang listahan ng mga posibleng pangalan (mga 40), nakapili ako ng dalawa o tatlo kong pinakagusto na pangalan para sa aso ko.  Pinili rin ng mga magulang ko ang pinakagusto nilang pangalan at ang aking apricot na toy poodle ay nabigyan ng pangalan: Sancho.

At mula noon, nagkaroon kami ni Sancho ng maraming masayang karanasan. Ginalugad namin ang buong mundo namin, mula condo hanggang Burnham hanggang Session Road hanggang John Hay hanggang Manila hanggang La Union hanggang Pampanga. Naglakbay kami sa gubat sa likod ng condo ko at nakakita kami ng maraming kahima-himala na bagay katulad ng ganda ng pagsikat ng araw o kaya ang bukid ng mga bulaklak. Kinalaban namin ang nakakatakot na multo sa dilim at ang maingay na tunog ng mga paputok. Tumakbo kami sa umaga at naglakad sa gabi. Nakipagkaibigan kami sa mga kapwang tao at aso. Dahil sa kanya, naging mas malapit ako sa aking mga kaibigan at pamilya na mahal na mahal din siya. Lumangoy pa kami sa tabing-dagat. Oo, tinuruan ko si Sancho kung paano lumangoy!  Tinuruan ko din siya ng kung paano mag-sit kapag sinabi kong, "Sit",at paano rin mag-fetch ng mga tennis ball at kung ano-ano pang mga bagay na binabato ko. Siya ang nagbibigay ng proteksiyon sa akin at ako rin sa kanya. Siya ang nagbibigay ng saya sa akin, at ako rin sa kanya. Sa mga panahon na mag-isa ako at wala pa ang kapatid ko, siya ang sumama sa akin at nagsilbing pinagmulan ng aking kaligayahan.

Responsibilidad. Ngunit hindi lang puro laro kami ni Sancho. Ako ang may-ari niya, kaya ako ang responsable sa kanya.  Ako ang bahala magbigay sa kanya ng kanyang pagkain at tubig.  Ako ang magpapaligo sa kanya.  Ako ang magpapaalala sa mga magulang ko kung kailangan na siyang dalhin sa doktor ng hayop. Ako ang maninigurado na may suot siyang tali kapag lalabas kami ng bahay at maglalakad. Ako ang magtuturo sa kanya na bawal umihi at tumae sa loob ng bahay, sa labas lang dapat.  Ako ang bahala maglinis ng ihi at tae niya kapag ginawa niya ito sa loob ng bahay o mall o iba pang lugar na bawal ito. Ako ang magdidisiplina sa kanya kapag may ginagawa siyang mali (dati, ginawa ko ito sa pamamagitan ng paglagay sa kanya sa ibabaw ng lamesa ko. Maliit pa siya at hindi niya kayang tumalon mula doon dahil takot na takot siya).  May oras na kinain niya ang pagkain namin at sinubukan niyang gawin ito ulit sa hot sauce ko.  Pinatikim ko sa kanya ang isang patak nito at mula noon ayaw na ayaw na niya sa hot sauce. 

Siguro sa ganitong pamamaraan ay naturuan ko rin si Sancho maging responsable. Alam na niya na bawal umihi at tumae sa loob ng bahay kaya kapag gagawin niya ito pupunta na siya kaagad sa veranda (pumapayag kami na tumae at umihi siya dito). Kung sarado yung pinto sa veranda maghihintay lang siya diyan at titingin sa amin, tapos kung di pa rin kami namamansin pupunta siya sa amin, kukulitin kami tapos ituturo ang sarado na pinto. Hindi niya kinakagat ang mga alambre sa bahay. Hinding hindi niya kinakagat ang mga bisita dahil sobrang bait niya talaga.  Kapag may bisita, tatakbo siya kaagad dahil gusto niyang magpakilala.  Malikot siya kaya minsan takot ang ibang bisita, kaya pinapatali namin.  Hindi naman siya nagtatampo.  Nagpapasalamat ako kasi kahit kailan, hindi namin nilagay si Sancho sa loob ng isang hawla.  Baka maging agresibo daw siya, tapos malungkot pa at malayo sa mga puso namin.  Namamangha ako dahil naging mas responsable ako dahil kay Sancho; bukod pa rito, naging responsable din pala si Sancho dahil sa akin.

Pagbabago. Kasama ko si Sancho tumanda, lumaki at magbago.  Isa siyang saksi ng lahat ng mga dinaanan ko mula pagkabata.  Nandiyan siya noong ipinanganak yung kapatid ko at nag-labor yung nanay ko ng halos 27 na oras. Siya lang nag kausap ko noong nalaman ko na lilipat kami ulit sa Manila at sobrang nagtampo ako sa parents ko kaya di ko sila kinausap halos buong bakasyon. Lumaki siya: Kapag nilalagay ko siya sa ibabaw ng lamesa pwede na siyang tumalon mula dito.  Hindi na Burnham at John Hay at ang condo namin ang lokasyon ng aming kaharian; kailangan na namin maghanap ng bagong ruta kapag maglalakad sa umaga o gabi. Nakita niya lahat ng mga gabi na hindi ako natulog, dahil sa mga gawain sa paaralan o problema sa pag-ibig o gusto ko yung anime o pelikula na pinapanuod ko sa laptop o TV.  

Tumangkad din ako kahit papaano at dumami yung karunungan at karanasan ko sa buhay. Naranasan ko nang makatulog sa klase, umuwi ng 2 AM dahil sa prom, lumipad sa langit dahil sa cheerdance.  Natuklasan ko ang mga kaibigan katulad ni Sancho, na dadamayan ako sa lahat ng bagay; mga guro na ayaw na ayaw talaga sa trabaho nila at mga guro na may malakas na apoy sa puso nila para sa kanilang asignatura at mga estudyante; at isang kapatid na may kumikinang na mata na handang handa na makaranas ng buong mundo, makapunta sa bawat sulok na ito at gawin ang lahat ng maaaring gawin.  Natatandaan ko sa kumikinang na mata ng kapatid ko ang kumikinang mata ni Sancho.  Pareho pa silang malikot.  Sinabi ko sa sarili ko, "Magiging responsable din ako para sa kapatid ko, mas responsable pa sa antas ng pananagutan para kay Sancho."   

Dahil kay Sancho, hindi na rin ako natakot sa ibang aso, mula pinakamalaking at pinanakakatakot na St. Bernard hanggang pinakamaliit at pinakainosente na chichuahua. Kapag may pinapakilala sa akin ng mga kaibigan ko na aso, yayakapin at hihimasin ko kaagad.  Didilaan din naman nila mukha ko kaagad.  Wala na talaga akong pakialam sa mga kuko nila o ngipin o kung may rabies sila.  Sobrang bait naman nila, at siguro hindi rin sila natatakot dahil naaamoy daw nila yung takot.  Kaya siguro dati hindi masyadong komportable ang mga aso sa akin-- dahil hindi rin ako masyadong komportable sa kanila.  Kahit askal lang na nakikita ko sa kalye, kumakaway ako at ngumingiti sa kanya (siguro mukha akong weirdo sa ibang tao), at kapag lalapit siya hihimasin ko kung papayag, at minsan bibigyan ng kaunting pagkain kung may dala ako.  Nagsimula na rin ako manuod ng mga dog show palagi sa mall na Tiendesitas. Kadalasan pumapayag ang mga may-ari na himasin ko ang mga aso nila at magpakilala ako sa kanila.  Dito ko naging paboritong breed ng mga aso ang Siberian Husky (pero siyempre, mahal na mahal ko pa rin si Sancho).  Naging mahilig ako maglakad-- kapag opsyon ang maglakad, maglalakad ako.  Kapag naglalakad kasi kami ni Sancho, dun ko talaga nakita ang mga magagandang tanawin ng buhay at naranasan ang bumabagal na oras.  Kapag sasakay kasi ng kotse o tren, masyadong mabilis.  Palagi na lang nagmamadali.  Ang mga magandang tanawin ay dadaan lamang sa harap ng mata mo sa loob ng isang segundo tapos mawawala na.  Hindi mo siya mapapahalagahan ng maayos.

Ngunit may mga bagay na hindi nagbago: Lumipat din kami ulit sa Pampanga, at doon na nanatili si Sancho habang ako naman ay nanatili sa Manila dahil kailangan kong mag-aral.  Minsan ko na lang siya nakasama.  Pero kahit ganoon, sa lahat ng beses na uuwi ko palagi siyang tatakbo kaagad sa akin at babatiin ako.  Ang antas ng sigla niya ay hinding hindi bumaba sa unang araw na nakilala ko siya. Pareho pa rin kaming maliit.  Kahit lumaki ako (ng kaunti), marami pa ang mga bagay na hindi ko alam at kailangan kong matutunan.  Minsan nakakatakot at nakakapagod isipin, pero titingin lang ako kay Sancho at matatandaan ko na kahit saan ako pupunta, mayroon akong kaibigan.

At palagi siyang bumabalik.  Isa itong bagay na alam ko na hindi alam ng mga magulang ko.  May panahon na naiwan bukas ang pinto ng condo unit namin sa Baguio.  Noong sinara ulit, napansin lang namin na nawawala si Sancho pagkatapos ng dalawang oras.  Agad-agad kong binuksan ang pinto at nandiyan pala siya, nakaupo lang at siguro hinihintay ang pagbukas ng pinto.  Hindi siya pumunta sa ibang lugar.  

PAWS. Ngunit may isang araw na hindi bumalik si Sancho.  Umuwi ako sa Pampanga noong isang Sabado at napansin ko na walang aso na tumatahol sa sobrang ligaya dahil nandun ako.  Tinanong ko sa mga magulang ko at sabi nila mga dalawang linggo na siya nawawala at ginawa na nila ang lahat para hanapin siya.  Naiwan daw kasi ng bukas yung pinto.  Wala na daw magagawa, sabi nila.  Magdasal na lang na nasa mas magandang lugar siya.  Ako naman ay sobrang nagdalamhati dahil hindi man lang ako nakapagsabi ng paalam sa kanya. Hindi ko na alam yung gagawin ko.  

Mahal na mahal ko pa rin ang mga aso.  Para sa akin, ito ang mga hayop na tutulungan ka, hinding hindi ka iiwan kahit kailan (malakas ang paniniwala ko na hindi ako iniwan ni Sancho; ayokong isipin pero siguro may kumuha sa kanya o baka nasagasaan siya), at lalambingin ka kapag alam nilang malungkot ka.  Katulad ng paghanap namin ni Sancho ng pagsikat ng araw o bukid ng mga bulaklak, kapag nasa bagong lugar ako naghahanap ako palagi ng bagong lugar na maganda para sa akin.  Dito sa Katipunan, may Loyola Heights Park.  Maliit lang siya ngunit may swing, slide, at seesaw.  Natatandaan ko ng kaunti yung malaking palaruan sa condo ko dati sa Baguio.  Kapag mag-isa lang ako at walang magawa, pumupunta ako dito.  Sa lahat ng mga pinakapangit, pinakamainit, pinakamaingay, at pinakamagulong lugar, lagi akong nakakahanap ng lugar ng kagandahan at katahimikan.  Minsan, kailangan lang ng kaunting pagsisikap.    

Pero pinakanagpapasalamat ako kay Sancho dahil siya ang dahilan kung bakit nawala ang takot ko sa mga aso.  Katulad ng pagtatagumpay ng mga tauhan ng Lord of the Rings sa isang singing na nagdadala ng takot at kaguluhan, malaki rin ang pagtatagumpay ko sa takot na ito. Buti na lang hindi siya naging isa pang numero sa bilang ng mga nasayang na oportunidad dahil lamang natakot ako.

Ngayon, malaking tagataguyod na ako ng karapatan ng mga hayop.  Nami-miss ko si Sancho, kaya sasali ako sa PAWS o Philippine Animal Welfare Society, isang organisasyon para sa mga hayop (lalo na mga aso) na hindi kumikita.  Isa itong bagong karanasan para sa akin, kaya natatakot ako ng kaunti.   Ngunit hindi ko na masyadong iniisip ito. Kailangan ko pang maglakbay at magkaroon ng maraming pagsubok, kaya magandang isipin na kahit saan ako pupunta, mayroon akong kaibigan.      


Saturday, February 9, 2013

5. Pagpapahayag ng Damdamin: Ang Sining at Kabaklaan sa Pelikulang Indie



Pagpapahayag ng Damdamin:
Ang Sining at Kabaklaan sa Pelikulang Indie

       Bawat taon, may ginaganap na film festival sa Pilipinas na tinatawagang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.  Katulad ng Metro Manila Film Festival, isa rin itong paligsahan.  Ngunit kung ang pinapalabas ng MMFF ay ang mga pelikula na mainstream, o mga pelikula na may malaking gastusin at nakapokus sa pagbibigay ng aliw para sa masa (Tiongson), ang mga pelikula naman na pinapalabas ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ay ang mga pelikulang independent o pelikulang indie, mga New Wave pelikula na nilikha sa labas ng sistema ng studio.  Sa pamamagitan ng sining at integridad, naipapahatid ang mensahe ng gumawa ng pelikula kahit karaniwang maliit lang ang badyet na inilalaan sa mga pelikulang indie dahil ang mga gumagawa nito ay walang malaking studio na magbibigay ng malaking gastusin sa kanila (Tiongson).  Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino, ang sining ay “ang kalidad, produksiyon, o ekspresyon ng anumang maganda, kaakit-akit, at may kahalagahang higit sa karaniwan alinsunod sa mga prinsipyong estetiko”, “mga bagay na nilikha ayon sa pamantayang estetiko”, “anumang larangan na gumagamit ng kasanayan o malikhaing pamamaraan”, o “kasanayan o kahusayan sa pagsasagawa ng anumang aktibidad.”
       Sa kasalukuyan, maganda ang kalagayan ng mga pelikulang indie sa bansa ngayon.  Ang Cinemalaya ay nagbibigay ng pondo para sa paggawa ng mga pelikula na pinapalabas bawat taon sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (“About Cinemalaya”).
Isang uri ng mga pelikula na nakahanap na ng sarili niyang sulok sa produksiyon ng pelikulang indie ay ang mga gay film.  Tumutukoy ito sa kahit anong pelikula kung saan gay issues ang paksa at gay din ang pangunahing tauhan (Tiongson).  Upang mas mabigyan ng kalinawan, iba ang kahulugan ng salitang “bakla” (isang lalaki na babaeng babae ang galaw at pananamit) sa salitang “gay” (isang lalaki na may gusto sa kapwang lalaki) (Tiongson). 
Dalawa sa mga gay film na naging matagumpay na pelikula na ipinalabas ng Cinemalaya ay ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa na idinirekta ni Alvin Yapan at Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros na idinirekta naman ni Auraeus Solito.  Sa pamamagitan ng pagsuri sa dalawang pelikulang indie na ito, ipapakita na ang paglalarawan ng mga gay o bakla sa industriya sa pelikula ay umuunlad at nagbabago sa tulong ng sining.  Ginagamit ng gay o bakla ang sining upang maipahayag niya ang kanyang mga nararamdaman at nararanasan at ang gay o bakla ay itinuturing na karaniwang bahagi ng buhay at hindi hiwalay na katawan na pinupuna ng lipunan.

Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa

       Sa pelikulang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, malaki ang papel ng sining.  Mayroong sining ng sayaw, sining ng tula, sining ng musika, at sining ng dula,.  Nagkatagpo ang mga pangunahing tauhan (si Marlon, si Dennis, at si Ma’am Karen) dahil sa sayaw at sa tula.  Dati, hindi maintindihan ni Marlon ang sining ng tula kaya hindi niya maintindihan ang mga tinuturo ni Ma’am Karen, yung babaeng gusto niya.  Ngunit sa tulong ng kaibigan niyang si Dennis at sa tulong na rin ni Ma’am Karen, na guro rin sa sayaw, natuto siyang sumayaw.  Sa pamamagitan ng tugma ng mga galaw sa sukat ng musika, naintindihan niya rin ang sukat at tugma ng tula.
       Higit pa rito, ang sining ay nagsilbi bilang isang paraan ng pagpapahayag ng mga nadarama ng mga pangunahing tauhan, lalo na sina Marlon at Dennis.  Marami ang mga eksena sa pelikula kung saan walang nagsasalita ngunit naiintindihan ng manonood ang sinasabi ng mga tauhan dahil sa galaw nila at dahil din sa musika na pinapatugtog.  Sa matinding galaw at matinding tono ng boses ni Dennis makikita ang matinding pagnanais niya kay Marlon.  Hindi diretsong pinakita ng pelikula ang mga gay na tema ngunit nahahalata ng manonood ito dahil sa mga eksena sa pelikula kung saan ipinapahayag ng mga tauhan ang mga malalakas na emosyon nila sa pamamagitan ng sining
       Bilang karagdagan, mahalaga rin ang mga maliliit na elemento ng pelikula katulad ng mga kasuotan ng mga tauhan, sinematograpiya ng pelikula, at paggamit ng sining hindi lang sa kuwento kung di sa ibang bahagi din katulad ng background music.  Maganda ang paggamit ng mga ito sa pelikula dahil pinalalim nila ang mensahe nito.  Sa isang pelikula na ito, saklaw ang paksa ng pag-ibig hanggang pilosopiya.  Mga tula katulad ng Litanya ni Merlina Bobis at Paglisan ni Joi Barrios ay nagbibigay ng mga mensahe na may kabuluhan sa buhay ng mga tauhan.  Sa dulo, noong nagtatanghal sina Marlon at Dennis sa epikong Humadapnon, makikita ang kaugnayan sa isa’t isa ng mga iba’t ibang larangan ng sining katulad ng sining ng sayaw, tula, musika, at dula.   Sa sinabi ni Marlon na, “Para siyang kumakanta palagi, pero hindi naman. Sumasayaw siya” nakita niya ang paghahalo ng iba’t ibang larangan ng sining na nagiging mas maganda ang aestetikong halaga at mas nakakatulong pa sa pag-iintindi at pagpapahayag ng mga damdamin.
       Isa itong pelikula na nagpapakita na nagbabago at umuunlad na ang mga gay film. Dati, pangit ang diyalogo sa mga ganitong pelikula (Reyes 60); para sa komedya lang ang mga bakla (Reyes 58); nagiging straight o tunay na lalaki ang bakla sa dulo, at ang bakla ay tinuturing lamang na isang lalaki na gumagalaw ng parang babae (Tiongson). Ngunit sa pelikulang ito, malalim at maganda ang diyalogo; seryoso at ma-drama ang personalidad ng bakla; baliktad ang nangyari at maaaring isipin na nadiskubre ng dalawing lalaki na gay sila; at sa pelikula hindi sila gumagalaw ng parang babae.  Ang “Dalawang Kaliwang Paa” sa pamagat ng pelikula ay tumutukoy sa ballroom dancing, ang sinasayaw ng mga tauhan, kung saan ang pangunahing paa na ginagamit ng lalaki palagi ay ang kaliwang paa.  

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros

       Sa pelikulang ito, hindi kasing-halata ang papel ng sining dito kaysa sa papel niya sa Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ngunit mayroon pa rin intong mahalagang gamit.  Ang maingay na pagtugtog ng piyano sa simula ay nagbibigay ng imahen ng lungsod kung saan nabubuhay ang pangunahing tauhan, ang baklang Maxi, isang lungsod na nalulunod sa kahirapan at karalitaan.  Ipinapahayag niya ang mga emosyon niya sa pamamagitan ng galaw, salita, at pananamit niya, na maituturing ring isang sining. Isa sa mga pinakaemosyonal na bahagi ng pelikula ay ang eksena kung saan pumapaswit si Maxi at ang pulis na gusto niya.  Kahit di sila nagsasalita damang dama ang mga pinapahayag nilang emosyon ng kalungkutan sa mga paswit na ito.      
       Isa ito sa mga pelikula na nagbibigay kapangyarihan sa mga bakla.  Si Maxi ay  minamahal at tinatanggap ng buo ng pamilya at nararaos niya ang mga hirap na pinagdadaanan niya sa buhay at ito ay nagbibigay-daan sa isang wakas na may pagasa.

Sining at Kabaklaan sa Pelikulang Indie

       Ayon kay Inton (42) sa konteksto ng Pilipinas ang pagiging gay o bakla ay isang manipestasyon ng kalooban ng tao; inilalarawan siya bilang “lalaki na may puso ng babae.”  Nauugnay ang sining dito sapagkat isa siyang pamamaraan na maaaring maging manipestasyon ng gay o bakla sa kalooban niya.

       Nagbabago at umuunlad na ang mga gay film na pelikulang indie.  Hindi katulad ng dati kung nasaan ang mga bakla ay may negatibong imahen na hindi tinatanggap ng lipunan (Reyes 58), ang paglalarawan sa mga bakla ngayon ay mas positibo.  Hindi na sila itinuturing na hiwalay na bahagi ng lipunan; binibigyan na sila ng dignidad, respeto, at lakas; at sinisira ang mga stereotipo ng mga bakla o gay (Tiongson).  Sa tulong ng sining, ang mga gay at bakla sa pelikulang indie ay binibigyan ng liberasyon.


Mga Pinagkunan:

 "About Cinemalaya." Cinemalaya. N.p., n.d. Web. 30 Jan. 2013.<http://www.cinemalaya.org/about_cinemalaya.htm>.

      Inton, Michael N. “The Bakla and Gay Globality in Philippine Mainstream and Independent Cinema.” MA thesis. Ateneo de Manila University, 2012.
  
      Reyes, Emmanuel. Notes on Philippine Cinema. Manila: De La Salle University Press, 1989. Print.

     “Sining.” UP Diksiyonaryong Filipino. Unang Limbag. 2001. Print.

     Solito, Auraeus, dir. Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Perf. Nathan Lopez. Unitel Pictures, 2005. Pelikula.

    Tiongson, Nicanor G. “Gay New Wave Indie Films: Liberation or Exploitation?” Homosexuality in the New Wave Indie Film: Liberation or Exploitation? Ateneo De Manila University, Quezon City. 17 Jan. 2013. Panayam.

    Yapan, Alvin, dir.  Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa. Perf. Paulo Avelino, Rocco Nacino and Jean Garcia. Cinemalaya, 2011. Pelikula.




4. "Gusto Kong Maging Masaya" - Pangarap Noong Bata


            Sobrang dami talaga ng mga pangarap ko noong bata ako.
            Noong mga siyam na taong gulang ako, kapag tinatanong ako kung ano ang gusto ko maging paglaki ko, ito yung sinasagot ko palagi: doktor na mang-aawit na mananayaw na manunulat na artista na misyonero na may-ari ng isang kanlungan para sa mga hayop.  Sa totoo lang, ‘di yata ito yung kumpletong sagot ko dati.  Mas marami pa ang mga gusto kong gawin pag matanda na ako. 
            Ngunit sa milyun milyong pangarap ko, mayroong isang pangarap talaga na namayani: makatulong sa iba.  Sabi ko sa sarili ko dati na paglaki ko, dapat sa dulo ng bawat araw itatanong ko sa sarili ko, “May natulungan ba ako ngayon? May naging masaya ba dahil sa akin?” at dapat ang sagot ko palagi ay isang malaking “Oo.”
            At ‘di ba walang mas magandang paraan na makatulong sa iba kung ‘di sa pamamagitan ng pagiging isang doktor? Nagliligtas ako ng mga buhay at nagpapagaling ng mga tao! Tapos gusto ko na mabait na doktor pa ako: Kapag wala masyadong kaya ang pasyente ko, gagawin kong mas mura ang ibabayad sa ‘kin o kaya libre na lang.   Tapos OB-GYN pa sana ang gusto kong spesyalisasyon, dahil mahilig naman ako sa mga sanggol.  Higit pa ako sa mga nagliligtas ng mga buhay, sabi ng tatay ko: tinutulungan ko mismo ang Diyos na magbigay ng buhay.
            Sa totoo lang hindi ko alam kung naniniwala talaga ako doon sa sinabi ko na ang pinakamabisang paraan upang makatulong sa iba ay kapag naging doktor ako.  Minsan, iniisip ko na pinasok lang yun ng mga magulang ko sa isip ko, at siguro ‘iyon talaga ang nangyari.  Sa lahat ng mga panaginip ko noong bata ako, palaging nandiyan ang salitang doktor.  Dati, gusto kong maging doktor na kumakanta. May bahagi ng buhay ko na gusto ko na ako’y magiging isang doktor na nagsusulat ng mga kuwento at tula. May panahon pa nga na gusto kong maging madre…na doktor.  Ganito kasi ‘yan: simula pa noong bata ako, ipinapahiwatig palagi ng mga magulang ko na isang araw, pag doktor na ako, magiging masaya na kami at maaari na kaming mabuhay ng tahimik.  ‘Iyon din naman ang gusto ko para sa mga magulang ko, para sa kapatid ko, at para sa akin.  Trabaho kung saan mabibigyan ko ng kasiyahan ang pamilya ko at sarili ko? Tapos ang ganda pa pakinggan: Dr. Garcia, Ph.D (naaks!), OB-GYN blabla o kung ano-ano pang titulo na nilalagay sa pangalan kapag doktor ka.  Nakalagay pa yun sa kotse ko! Kahit sobrang tagal ko sa paaralan, parang ‘di naman masasayang ang oras ko, kasi dun ako tuturuan ng kung paano magbigay at magligtas ng buhay.
            At ganito pa rin naman ang pangarap ko hanggang hayskul.  Nagbago lang ako ng isip noong lumabas ang mga resulta sa mga entrance exam.  Sa dalawang kolehiyo lang ako kumuha ng pagsusulit: sa UP at Ateneo.  Pumasa ako sa dalawang paaralan at dumating na ang oras kung saan kailangan ko nang pumili.  Ang sabi ko ay pipili ako base sa kurso na gusto ko….sobrang layo lang kasi ng mga kurso na pinili ko sa dalawang paaralan. Sa UP, BS Biology (doktor!) at sa Ateneo naman, BS Management Information Systems – MS Computer Science (parang pinaghalong Management at Computer Science).
            Akala ko magiging madali lang ang desisyon, pero sobrang nahirapan ako.  Kinausap ko ang mga magulang ko, mga guro ko, at mga kaibigan ko.  Marami at iba-iba ang mga binigay nilang payo sa akin, at nakatulong naman sila.  Ginawa ko ang sinabi nila, na tingnan ang mga bagay na gusto ko at ayaw ko tungkol sa dalawang paaralan, o kaya tungkol sa dalawang kurso. Yung BS Bio? Kapag hindi ko tinuloy ang pagiging doktor, kaunti lang ang mga pwede kong kunin na trabaho.  Yung BS MIS-MS CS naman, sobrang dami ng mga puwede mong pasukan na trabaho, tapos  isang dagdag na taon lang may Masters degree na ako.
            Pero alin talaga yung kurso na gusto ko, na mahal ko? ‘Yun yung sabi sa akin ng mga kaibigan ko, ng mga magulang ko, ng mga guro ko.  At ‘yun yung mahirap para sa akin: pareho ko silang mahal.  Kaya sa dulo, pinili ko ang kurso na sa tingin ko ay mas mahal ko: yung BS MIS-MS CS sa Ateneo.  Mahilig naman akong makipag-ugnayan sa mga tao (kailangan daw yun sa hanapbuhay ng mga kumukuha ng kurso na yan) at mahilig din naman ako sa ICT (Information and Communications Technology) (kailangan din daw ito).  Sa tingin ko, yung mga trabaho na makukuha ko sa kurso na ito ay yung mga magugustuhan ko talaga, yung mga handa akong ‘di matulog dahil sobrang naliligayahan ako sa ginagawa ko.  Hindi ko sinasabi na ‘di rin ako magiging masaya sa pagiging doktor (pangarap ko lang naman siya para sa labing-pitong taon), pero nararamdaman ko talaga na mas nababagay ako at mas masisiyahan ako sa kurso ko sa Ateneo.
            Sinuportahan naman ako ng mga magulang ko, at dahil doon labis ang pasasalamat ko sa kanila.  Nagbago na ang sagot ko sa tanong na “Ano ang gusto mong maging paglaki mo?” Ang sagot ko na ay “Maging masaya.”  Ewan ko lang kung bakit nagbago ang sagot ko, at kung bakit ganoon ang sinasabi ko.  Sa tingin ko ay magiging masaya naman ako sa hanapbuhay na ibibigay ng kolehiyo at kurso ko sa akin.  Makakatulong pa naman ako sa iba, sa ibang paraan lang naman.
            At marami pa ang mga pangarap ko! Magtrabaho sa Google; mabigyan ng magandang edukasyon ang kapatid ko; makapunta sa Italy, o Japan, o Hawaii; at iba pa.  Basta ang mahalaga ay paglaki ko, kapag katapusan na ng bawat araw at tatanungin ko ang sarili ko kung may natulungan ba ako ngayon at kung may naging masaya ba dahil sa akin, dapat ang sagot ko ay oo.  Kapag ‘iyon ang sagot ko sa tanong na iyon araw-araw, matutupad na rin ang pangarap ko na maging masaya.

OPM + Teatro = Sa Wakas

Mula sa https://www.facebook.com/SaWakasTheMusical



Noong ika-1 ng Pebrero, 2013, 7 PM, pumunta kami ng mga kaibigan ko sa isang stage reading ng dulang "Sa Wakas" sa loob ng Ateneo. Hindi katulad ng totoong dula, sa isang stage reading binabasa pa ng mga tauhan ang kanilang mga linya mula sa isang iPad o Kindle; wala pa masyadong props at set; at minsan ang ibang galaw ng mga tauhan ay hindi ginagawa, binabasa lamang.

Kahit simple lang ang pinanood namin, naramdaman ko na parang totoong dula na ang pinapanood ko at masasabi ko na sa kabuuan ay nagustuhan ko ang "Sa Wakas".



Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.


Isa sa mga pinakagustuhan ko tungkol sa "Sa Wakas" ay ang pagsasagawa ng kuwento.  Ang dula ay tungkol kina Lexi at ang kanyang asawa, si Topper, na nagkaroon ng kabit, si Gabby.  Sa una, naisip ko na medyo mababaw ang kuwento at karaniwan lang siya ngunit sa bandang dulo nakita ko na nakakaiba siya dahil sa paraan na ginamit upang ilahad ang kuwento sa mga manonood.  Nagsisimula kasi ang "Sa Wakas" sa wakas ng relasyon nina Topper at Lexi, kung saan nagpapaalam na ang dalawang tao sa isa't isa. Ang totoong wakas niya ay ang simula ng buhay nina Lexi at Topper nung tinanong ni Topper si Lexi kung pwede silang makipag-isang dibdib. Sa pabaligtad na paraan ng pagkukuwento, naging mas malalim siya para sa akin, nakita ko ang mga magaganda at pangit na bagay ng relasyon nila, at sa dulo may naiwan na damdamin ng panghihinayang para kay Topper at Lexi (at siguro ito ang epekto ng pabaligtan na paraan ng pagkukuwento).


Di ko na kayang mabuhay sa kahapon, kaya mula ngayon...




Ang pangalawa at pinakanagustuhan kong elemento ng "Sa Wakas" ay ang paggamit niya ng OPM (Original Pinoy Music). Ang OPM na ito ay ang musika na pinapakinggan ko pa--mga kanta ng Sugarfree! Sinusuportahan niya pa ang industriyang musika ng bansa.   Isa pa itong dahilan kung bakit nakakaiba ang dula.  Hindi katulad ng mga dating Pinoy na dula na pinapanuod ko, medyo bago ang mga kanta dito at mas moderno.  Maganda pa ang paggamit ng mga kanta sa mga senaryo.  Bagay sila sa kuwento, at nagiging mas matindi ang mga damdamin dahil sa musika.

Natuwa din ako kasi yung mga ibang kanta ay naka-mashup, o kaya'y pinagsama. Sobrang galing din ng mga tauhan.  Ang ganda ng mga boses nila.  Kahit piano lang ang background music noong stage reading, sobrang ganda na nito at labis din ang kagalingan ng pianista at koro.  

Dahil sa stage reading ng "Sa Wakas", may natuklasan akong mga kanta ng Sugarfree na sobrang ganda na 'di ko pa napapakinggan dati. Natagpuan ko na rin sa bagong paraan ang mga kanta na alam ko dati, kaya mas lalo ko silang nagustuhan ulit. Katulad ng sinabi ni Lexi na nabuhayan ulit ang pagtingin niya sa sining dahil kay Topper, nabuhayan ulit ang pagmamahal ko sa OPM dahil sa "Sa Wakas".

Maglilinis na ako ng aking kwarto.



Kahit na nagandahan naman ako sa stage reading, may mga bagay pa rin na pwedeng linisin o ayusin upang maging mas maganda at mas maayos pa ang dula.  Para sa akin, medyo pilit ang ibang mga kanta katulad ng "Dear Kuya" at "Kandila", pero kasama ang dalawang kanta na ito sa mga kanta na pinakanagustuhan ko.  Parang ang conyo din masyado ng script, ngunit dahil hindi talaga pormal ang pag-uusap ng mga tauhan sa dula baka ayos lang ito, pero baka mainis din ang ibang mga manonood. Hindi ko rin masyadong naramdaman ang damdamin sa ugnayan at relasyon ng mga tauhan.

Sigurado ako na maaayos ng produksyon ng "Sa Wakas" ang lahat ng mga bagay na kailangan ayusin at pagandahin upang maging matagumpay na dula.  Baka sa Abril ay papanoorin ko siya ulit kasama ang mga kaibigan.