Sunday, February 17, 2013

6. Aso ko si Lord of the Rings


Takot. Hindi ako makapaniwala na noong unang pitong taon ng buhay ko sa daigdig na ito, kapag nakakakita ako ng aso ang ginagawa kaagad ng dalawang paa ko ay tumigil o kaya'y tumakbo palayo. Hinding hindi sila uusad papunta sa aso. Yung dalawang kamay ko naman ay itinataas ko at inilalagay ko sa harap ng katawan ko upang mabigyan ito ng proteksiyon, lalo na ang mukha ko. Hinding hindi sila lalapit sa aso, kahit sobrang lambot ng balahibo at sobrang hinhin ng galaw nito. Ang mga labi ko ay nakaposisyon sa isang baliktad na U--tila nakangiti--ngunit ang mga mata ko ay naglalahad ng kuwento ng sobrang takot, bagabag, at kaba. Ang katawan daw ay may fight or flight response, at kapag nagharap ka ng aso sa akin noon ang agad kong reaksyon dito ay flight. 

Nakakatawang isipin na takot na takot ako sa aso dati kasi noong simula pa, bahagi na ng karaniwang buhay ko ito. Sa bahay, may pamilya, may katulong, at may aso. Ganito palagi mula noong sanggol ako, kaya dapat sanay na ako sa mga hayop na ito. Araw-araw may nakikita akong mga askal na tumatambay palagi sa labas ng bahay namin. Dagdag pa dito ang buong pamilya ko mula lolo hanggang tita hanggang magulang na sobrang mahilig sa aso. Sa totoo lang, paboritong hayop ko rin ito.  Eh paano ba naman, sobrang cute kasi nila--pero kasabay ng sobrang nakakagigil na mukha nila ang sobrang tulis na ngipin, naglalaway na bunganga, nakakasugat na kuko at malakas na tahol. 

Kaya kapag uuwi ako noong bata ako, ipapatali palagi ang aso. Kapag kasama ko ang mga kaibigan ko at magsasabi sila ng, "Uy! German shepherd! Ang cute naman!" sabay turo, sisigaw ako ng "ASO! AAAAH! SOBRANG CUTE NAMAN!" tapos lalayuan ko kaagad. Mula pinakamaliit at inosente na chihuahua hanggang pinakamalaki at pinakanakakatakot na St. Bernard, ayaw na ayaw kong lapitan lahat ng mga aso kahit gustong gusto ko sila. Mamahalin ko na lang sila mula sa isang malayong distansya, sabi ko. 

Ganoon ako dati. 

Una. Ang pangpitong taon ng buhay ko ay ang taon din na lumipat kami ng bahay. Mula sa isang mainit, maingay, at magulong distrito sa Manilabumalik kami sa lugar kung saan ako ipinanganak, sa Baguio, at napunta kami sa isang condominium na maganda, malamig, at tahimikMalapit siya sa Burnham. Ang condo na ito ay parang village--malaki siya, may gate at mga guwardiya, at binubuo ng pitong gusali. Nakatira kami sa Building 5. Mayroon ding palaruan na malaki. Bilang bata, parang langit na ang palaruan na ito para sa akin. Dalawang slide, limang swing, monkey bars, seesaw, at kung ano-ano pang mga mahahanap mo sa isang palaruandi bali na kadalasan, mag-isa lang ako maglaro (wala pa kasi yung kapatid ko noon)Ang maganda dito ay wala akong kaagaw sa paborito kong swing na kulay asul. 

At wala masyadong aso dito sa condo ko. Kung meron naman, nakatali palagi siya kapag natatagpuan ko.
Masaya naman ang buhay ko noon kahit kadalasan mag-isa lang akong kumain ng dinner dahil wala pa ang mga magulang ko at marami ang mga Sabado at Linggo na wala sila dahil sobrang okupado nila sa trabaho. Ayos lang ito sa akin at naiintindihan ko naman. Nakakasama ko pa naman sila kahit papaano. Inilalaan ko na lang ang oras na ito para sa pagbabasa ng libro, panonood ng TV o paglalaro ng kompyuter. Siguro naisip ng mga magulang ko na may kasalanan sila sa akin dahil tinanong nila kung nalulungkot ba ako dahil kadalasan mag-isa lang ako palagiSabi ko hindi naman. 

Pero hindi yata sila naniwala, dahil isang umaga, habang nagbabasa ako sa kama at naghihintay sa kanila, pumasok sila ng kuwarto ko at sa isang kamay ng nanay ko may hawak siyang stuffed toy na poodle--kaso gumagalaw ang ulo at mga paa ng stuffed toy na ito. Iniinspeksyon niya ang kuwarto gamit ang dalawang itim na mata. 

"Anak, mag-hi ka sa bagong kapatid mo!" May ganoon na sinabi ang mga magulang ko bago ilagay siya sa ibabaw ng kama. Yung maliit na tuta na ito naman, agad-agad siyang tumakbo sa akin. Parang alam niya kaagad na ako ang bagong may-ari niya. Sobrang bait talaga ng ekspresyon sa mata niya, at nakatingin siya sa akin ng parang may hinihintay na himas. 

Sa kaisa-isang sandali na iyon, nawala lahat ng takot at pangamba ko sa mga aso. 

Dinilaan niya ako kaagad at malambot at kulot ang balahibo niya na kulay apricot (hindi ako nagbibiro, ito talaga yung nakalagay na kulay sa birth certificate niya; ang kahulugan nito ay halong light brown at puti). Sobrang liit niya talaga. Kasya siya sa maliit na palad ng pitong taong gulang na sarili ko. Mga tatlong buwan pa lang ata yung gulang niya. Kumekembot-kembot ang kanyang puwet na may maliit na buntot (maikli ang buntot ng aso ko ngunit dapat mahaba, ewan ko lang kung bakit maikli yung sa kanya. Baka pinutol) at ang kahulugan daw nito ay masaya siya. Binuhat ko siya at tiningnan ng maigi ang dalawangmasigla na mata; isang maliit, itim, at mamasa-masa na ilong; at dilang nakalabas dahil hingal na hingal ata sa sobrang sayaNiyakap ko siya ng mahigpit (ngunit hindi sobrang higpit, tuta pa siya at baka masaktan) at dito ko napansin na sobrang saya ko pala. Hindi ko na inisip ang sobrang tulis na ngipin, naglalaway na bunganga, nakakasugat na kuko malakas na tahol. 

Naglaro kami ng unang aso sa buong bahay ko na nagtanggal ng takot at nagpahigit ng pagmamahal ko para sa kanila. Lumabas kami ng kuwarto at pinakita ko siya sa aking mga magulang. Inilahad ko sa kanila ang aking labis na saya at pasasalamat nang biglang may naramdaman akong medyo mainit na pakiramdam sa kamay ko. Tumingin ako at dito ko namalayan na umihi pala ang aso ko sa aking mga kamay. Simula noon, yung unang beses na magpapakilala ako sa lahat ng mga magiging aso namin, iihi sila sa akin. Ewan ko lang kung bakit. Ginagawa daw nila yun bilang pagmamarka sa teritoryo nila. Kung ganoon, masaya ako kasi itinuturing nila ako bilang teritoryo nila, isang lugar kung saan sila bumabalik, isang tahanan. 

Pero yung maliit na aso na iyon na kulay apricot at sobrang malikot na dinala sa kin ng mga magulang ko-- Siya ang unang teritoryo ko na aso. At ako ang unang teritoryo niya na tao.

PangalanSiyempre, ang unang isyu -- ano ang pangalan niya? Sabi ng mga magulang ko na ako daw ang bahala. Tinanong ko kung may pangalan na siya at sabi nila ang pangalan na binigay sa kanya ng nagbenta sa amin ng aso ay Sarge. Ayaw ko sa pangalan na ito hindi dahil napapangitan ako sa kanya kung di dahil hindi ako ang nagbigay ng pangalan na ito. Kaya dapat bigyan ko siya ng bagong pangalan sapagkat akin na siya.

Kaso lang... kaso lang... wala ako maisip.

Ngunit tadhana ata na noong Sabado na iyon may pinagawa ang Ate ko sa akin.  Mahilig kasi siya sa literatura at media. Isa sa mga sikat na sikat na pelikula at libro noon na pareho naming gusto (lalo na siya) ay ang Lord of the Rings. Tungkol ito sa isang grupo ng mga mistiko na tauhan na naglakbay at nagkaroon ng maraming passbook upang sirain ang singsing na nagbibigay ng korupsyon sa mga tauhan sa kuwento.Sabi niya sa akin hanapin ko daw ang Elven at Hobbit (dalawang uri ng mytolohikal na tauhan sa kuwento) na pangalan niya sa Internet. Sabi niya na kung gugustuhin ko hanapin ko rin yung sa akin.

Kaya noong dinala ako sa Internet shop (wala pa kasi kaming Internet sa bahay noon), naghanap ako ng Elven at Hobbit name generator sa Google.  Kailangan muna ilagay mo pangalan mo tapos pagka-click, lalabas ang iyong Elven Hobbit na pangalan.  At dito ko nakuha ang pangalan ng aso ko.  Nilagay ko ang lahat ng mga pangalan na puwedeng ilagay -- pangalan ko, palayaw ko, pangalan ng tatay ko, palayaw ng tatay ko, pangalan ng nanay ko, palayaw ng nanay ko, pangalan ng lolo ko, pangalan ng lola ko, etc. at sinulat ko lahat ng mga lumalabas na pangalan sa dala kong kuwaderno (oo, wala rin kaming USB noon). Napuno ang buong pahina ng mga posibleng pangalan ng aso ko. Gumawa rin ako ng pananaliksik tungkol sa kanya.  Isa siyang toy poodle, at bagay daw ang mga aso na ito bilang pambahay na aso.  Ang kahulugan nito ay ayos lang na iiwan mo sila sa bahay buong araw.  Basta bigyan mo sila ng pagkain at tubig, maglakad naman pa rin kayo kahit minsan lang, at mahalin mo sila.

Mula sa mahabang listahan ng mga posibleng pangalan (mga 40), nakapili ako ng dalawa o tatlo kong pinakagusto na pangalan para sa aso ko.  Pinili rin ng mga magulang ko ang pinakagusto nilang pangalan at ang aking apricot na toy poodle ay nabigyan ng pangalan: Sancho.

At mula noon, nagkaroon kami ni Sancho ng maraming masayang karanasan. Ginalugad namin ang buong mundo namin, mula condo hanggang Burnham hanggang Session Road hanggang John Hay hanggang Manila hanggang La Union hanggang Pampanga. Naglakbay kami sa gubat sa likod ng condo ko at nakakita kami ng maraming kahima-himala na bagay katulad ng ganda ng pagsikat ng araw o kaya ang bukid ng mga bulaklak. Kinalaban namin ang nakakatakot na multo sa dilim at ang maingay na tunog ng mga paputok. Tumakbo kami sa umaga at naglakad sa gabi. Nakipagkaibigan kami sa mga kapwang tao at aso. Dahil sa kanya, naging mas malapit ako sa aking mga kaibigan at pamilya na mahal na mahal din siya. Lumangoy pa kami sa tabing-dagat. Oo, tinuruan ko si Sancho kung paano lumangoy!  Tinuruan ko din siya ng kung paano mag-sit kapag sinabi kong, "Sit",at paano rin mag-fetch ng mga tennis ball at kung ano-ano pang mga bagay na binabato ko. Siya ang nagbibigay ng proteksiyon sa akin at ako rin sa kanya. Siya ang nagbibigay ng saya sa akin, at ako rin sa kanya. Sa mga panahon na mag-isa ako at wala pa ang kapatid ko, siya ang sumama sa akin at nagsilbing pinagmulan ng aking kaligayahan.

Responsibilidad. Ngunit hindi lang puro laro kami ni Sancho. Ako ang may-ari niya, kaya ako ang responsable sa kanya.  Ako ang bahala magbigay sa kanya ng kanyang pagkain at tubig.  Ako ang magpapaligo sa kanya.  Ako ang magpapaalala sa mga magulang ko kung kailangan na siyang dalhin sa doktor ng hayop. Ako ang maninigurado na may suot siyang tali kapag lalabas kami ng bahay at maglalakad. Ako ang magtuturo sa kanya na bawal umihi at tumae sa loob ng bahay, sa labas lang dapat.  Ako ang bahala maglinis ng ihi at tae niya kapag ginawa niya ito sa loob ng bahay o mall o iba pang lugar na bawal ito. Ako ang magdidisiplina sa kanya kapag may ginagawa siyang mali (dati, ginawa ko ito sa pamamagitan ng paglagay sa kanya sa ibabaw ng lamesa ko. Maliit pa siya at hindi niya kayang tumalon mula doon dahil takot na takot siya).  May oras na kinain niya ang pagkain namin at sinubukan niyang gawin ito ulit sa hot sauce ko.  Pinatikim ko sa kanya ang isang patak nito at mula noon ayaw na ayaw na niya sa hot sauce. 

Siguro sa ganitong pamamaraan ay naturuan ko rin si Sancho maging responsable. Alam na niya na bawal umihi at tumae sa loob ng bahay kaya kapag gagawin niya ito pupunta na siya kaagad sa veranda (pumapayag kami na tumae at umihi siya dito). Kung sarado yung pinto sa veranda maghihintay lang siya diyan at titingin sa amin, tapos kung di pa rin kami namamansin pupunta siya sa amin, kukulitin kami tapos ituturo ang sarado na pinto. Hindi niya kinakagat ang mga alambre sa bahay. Hinding hindi niya kinakagat ang mga bisita dahil sobrang bait niya talaga.  Kapag may bisita, tatakbo siya kaagad dahil gusto niyang magpakilala.  Malikot siya kaya minsan takot ang ibang bisita, kaya pinapatali namin.  Hindi naman siya nagtatampo.  Nagpapasalamat ako kasi kahit kailan, hindi namin nilagay si Sancho sa loob ng isang hawla.  Baka maging agresibo daw siya, tapos malungkot pa at malayo sa mga puso namin.  Namamangha ako dahil naging mas responsable ako dahil kay Sancho; bukod pa rito, naging responsable din pala si Sancho dahil sa akin.

Pagbabago. Kasama ko si Sancho tumanda, lumaki at magbago.  Isa siyang saksi ng lahat ng mga dinaanan ko mula pagkabata.  Nandiyan siya noong ipinanganak yung kapatid ko at nag-labor yung nanay ko ng halos 27 na oras. Siya lang nag kausap ko noong nalaman ko na lilipat kami ulit sa Manila at sobrang nagtampo ako sa parents ko kaya di ko sila kinausap halos buong bakasyon. Lumaki siya: Kapag nilalagay ko siya sa ibabaw ng lamesa pwede na siyang tumalon mula dito.  Hindi na Burnham at John Hay at ang condo namin ang lokasyon ng aming kaharian; kailangan na namin maghanap ng bagong ruta kapag maglalakad sa umaga o gabi. Nakita niya lahat ng mga gabi na hindi ako natulog, dahil sa mga gawain sa paaralan o problema sa pag-ibig o gusto ko yung anime o pelikula na pinapanuod ko sa laptop o TV.  

Tumangkad din ako kahit papaano at dumami yung karunungan at karanasan ko sa buhay. Naranasan ko nang makatulog sa klase, umuwi ng 2 AM dahil sa prom, lumipad sa langit dahil sa cheerdance.  Natuklasan ko ang mga kaibigan katulad ni Sancho, na dadamayan ako sa lahat ng bagay; mga guro na ayaw na ayaw talaga sa trabaho nila at mga guro na may malakas na apoy sa puso nila para sa kanilang asignatura at mga estudyante; at isang kapatid na may kumikinang na mata na handang handa na makaranas ng buong mundo, makapunta sa bawat sulok na ito at gawin ang lahat ng maaaring gawin.  Natatandaan ko sa kumikinang na mata ng kapatid ko ang kumikinang mata ni Sancho.  Pareho pa silang malikot.  Sinabi ko sa sarili ko, "Magiging responsable din ako para sa kapatid ko, mas responsable pa sa antas ng pananagutan para kay Sancho."   

Dahil kay Sancho, hindi na rin ako natakot sa ibang aso, mula pinakamalaking at pinanakakatakot na St. Bernard hanggang pinakamaliit at pinakainosente na chichuahua. Kapag may pinapakilala sa akin ng mga kaibigan ko na aso, yayakapin at hihimasin ko kaagad.  Didilaan din naman nila mukha ko kaagad.  Wala na talaga akong pakialam sa mga kuko nila o ngipin o kung may rabies sila.  Sobrang bait naman nila, at siguro hindi rin sila natatakot dahil naaamoy daw nila yung takot.  Kaya siguro dati hindi masyadong komportable ang mga aso sa akin-- dahil hindi rin ako masyadong komportable sa kanila.  Kahit askal lang na nakikita ko sa kalye, kumakaway ako at ngumingiti sa kanya (siguro mukha akong weirdo sa ibang tao), at kapag lalapit siya hihimasin ko kung papayag, at minsan bibigyan ng kaunting pagkain kung may dala ako.  Nagsimula na rin ako manuod ng mga dog show palagi sa mall na Tiendesitas. Kadalasan pumapayag ang mga may-ari na himasin ko ang mga aso nila at magpakilala ako sa kanila.  Dito ko naging paboritong breed ng mga aso ang Siberian Husky (pero siyempre, mahal na mahal ko pa rin si Sancho).  Naging mahilig ako maglakad-- kapag opsyon ang maglakad, maglalakad ako.  Kapag naglalakad kasi kami ni Sancho, dun ko talaga nakita ang mga magagandang tanawin ng buhay at naranasan ang bumabagal na oras.  Kapag sasakay kasi ng kotse o tren, masyadong mabilis.  Palagi na lang nagmamadali.  Ang mga magandang tanawin ay dadaan lamang sa harap ng mata mo sa loob ng isang segundo tapos mawawala na.  Hindi mo siya mapapahalagahan ng maayos.

Ngunit may mga bagay na hindi nagbago: Lumipat din kami ulit sa Pampanga, at doon na nanatili si Sancho habang ako naman ay nanatili sa Manila dahil kailangan kong mag-aral.  Minsan ko na lang siya nakasama.  Pero kahit ganoon, sa lahat ng beses na uuwi ko palagi siyang tatakbo kaagad sa akin at babatiin ako.  Ang antas ng sigla niya ay hinding hindi bumaba sa unang araw na nakilala ko siya. Pareho pa rin kaming maliit.  Kahit lumaki ako (ng kaunti), marami pa ang mga bagay na hindi ko alam at kailangan kong matutunan.  Minsan nakakatakot at nakakapagod isipin, pero titingin lang ako kay Sancho at matatandaan ko na kahit saan ako pupunta, mayroon akong kaibigan.

At palagi siyang bumabalik.  Isa itong bagay na alam ko na hindi alam ng mga magulang ko.  May panahon na naiwan bukas ang pinto ng condo unit namin sa Baguio.  Noong sinara ulit, napansin lang namin na nawawala si Sancho pagkatapos ng dalawang oras.  Agad-agad kong binuksan ang pinto at nandiyan pala siya, nakaupo lang at siguro hinihintay ang pagbukas ng pinto.  Hindi siya pumunta sa ibang lugar.  

PAWS. Ngunit may isang araw na hindi bumalik si Sancho.  Umuwi ako sa Pampanga noong isang Sabado at napansin ko na walang aso na tumatahol sa sobrang ligaya dahil nandun ako.  Tinanong ko sa mga magulang ko at sabi nila mga dalawang linggo na siya nawawala at ginawa na nila ang lahat para hanapin siya.  Naiwan daw kasi ng bukas yung pinto.  Wala na daw magagawa, sabi nila.  Magdasal na lang na nasa mas magandang lugar siya.  Ako naman ay sobrang nagdalamhati dahil hindi man lang ako nakapagsabi ng paalam sa kanya. Hindi ko na alam yung gagawin ko.  

Mahal na mahal ko pa rin ang mga aso.  Para sa akin, ito ang mga hayop na tutulungan ka, hinding hindi ka iiwan kahit kailan (malakas ang paniniwala ko na hindi ako iniwan ni Sancho; ayokong isipin pero siguro may kumuha sa kanya o baka nasagasaan siya), at lalambingin ka kapag alam nilang malungkot ka.  Katulad ng paghanap namin ni Sancho ng pagsikat ng araw o bukid ng mga bulaklak, kapag nasa bagong lugar ako naghahanap ako palagi ng bagong lugar na maganda para sa akin.  Dito sa Katipunan, may Loyola Heights Park.  Maliit lang siya ngunit may swing, slide, at seesaw.  Natatandaan ko ng kaunti yung malaking palaruan sa condo ko dati sa Baguio.  Kapag mag-isa lang ako at walang magawa, pumupunta ako dito.  Sa lahat ng mga pinakapangit, pinakamainit, pinakamaingay, at pinakamagulong lugar, lagi akong nakakahanap ng lugar ng kagandahan at katahimikan.  Minsan, kailangan lang ng kaunting pagsisikap.    

Pero pinakanagpapasalamat ako kay Sancho dahil siya ang dahilan kung bakit nawala ang takot ko sa mga aso.  Katulad ng pagtatagumpay ng mga tauhan ng Lord of the Rings sa isang singing na nagdadala ng takot at kaguluhan, malaki rin ang pagtatagumpay ko sa takot na ito. Buti na lang hindi siya naging isa pang numero sa bilang ng mga nasayang na oportunidad dahil lamang natakot ako.

Ngayon, malaking tagataguyod na ako ng karapatan ng mga hayop.  Nami-miss ko si Sancho, kaya sasali ako sa PAWS o Philippine Animal Welfare Society, isang organisasyon para sa mga hayop (lalo na mga aso) na hindi kumikita.  Isa itong bagong karanasan para sa akin, kaya natatakot ako ng kaunti.   Ngunit hindi ko na masyadong iniisip ito. Kailangan ko pang maglakbay at magkaroon ng maraming pagsubok, kaya magandang isipin na kahit saan ako pupunta, mayroon akong kaibigan.      


No comments:

Post a Comment