Saturday, February 9, 2013

4. "Gusto Kong Maging Masaya" - Pangarap Noong Bata


            Sobrang dami talaga ng mga pangarap ko noong bata ako.
            Noong mga siyam na taong gulang ako, kapag tinatanong ako kung ano ang gusto ko maging paglaki ko, ito yung sinasagot ko palagi: doktor na mang-aawit na mananayaw na manunulat na artista na misyonero na may-ari ng isang kanlungan para sa mga hayop.  Sa totoo lang, ‘di yata ito yung kumpletong sagot ko dati.  Mas marami pa ang mga gusto kong gawin pag matanda na ako. 
            Ngunit sa milyun milyong pangarap ko, mayroong isang pangarap talaga na namayani: makatulong sa iba.  Sabi ko sa sarili ko dati na paglaki ko, dapat sa dulo ng bawat araw itatanong ko sa sarili ko, “May natulungan ba ako ngayon? May naging masaya ba dahil sa akin?” at dapat ang sagot ko palagi ay isang malaking “Oo.”
            At ‘di ba walang mas magandang paraan na makatulong sa iba kung ‘di sa pamamagitan ng pagiging isang doktor? Nagliligtas ako ng mga buhay at nagpapagaling ng mga tao! Tapos gusto ko na mabait na doktor pa ako: Kapag wala masyadong kaya ang pasyente ko, gagawin kong mas mura ang ibabayad sa ‘kin o kaya libre na lang.   Tapos OB-GYN pa sana ang gusto kong spesyalisasyon, dahil mahilig naman ako sa mga sanggol.  Higit pa ako sa mga nagliligtas ng mga buhay, sabi ng tatay ko: tinutulungan ko mismo ang Diyos na magbigay ng buhay.
            Sa totoo lang hindi ko alam kung naniniwala talaga ako doon sa sinabi ko na ang pinakamabisang paraan upang makatulong sa iba ay kapag naging doktor ako.  Minsan, iniisip ko na pinasok lang yun ng mga magulang ko sa isip ko, at siguro ‘iyon talaga ang nangyari.  Sa lahat ng mga panaginip ko noong bata ako, palaging nandiyan ang salitang doktor.  Dati, gusto kong maging doktor na kumakanta. May bahagi ng buhay ko na gusto ko na ako’y magiging isang doktor na nagsusulat ng mga kuwento at tula. May panahon pa nga na gusto kong maging madre…na doktor.  Ganito kasi ‘yan: simula pa noong bata ako, ipinapahiwatig palagi ng mga magulang ko na isang araw, pag doktor na ako, magiging masaya na kami at maaari na kaming mabuhay ng tahimik.  ‘Iyon din naman ang gusto ko para sa mga magulang ko, para sa kapatid ko, at para sa akin.  Trabaho kung saan mabibigyan ko ng kasiyahan ang pamilya ko at sarili ko? Tapos ang ganda pa pakinggan: Dr. Garcia, Ph.D (naaks!), OB-GYN blabla o kung ano-ano pang titulo na nilalagay sa pangalan kapag doktor ka.  Nakalagay pa yun sa kotse ko! Kahit sobrang tagal ko sa paaralan, parang ‘di naman masasayang ang oras ko, kasi dun ako tuturuan ng kung paano magbigay at magligtas ng buhay.
            At ganito pa rin naman ang pangarap ko hanggang hayskul.  Nagbago lang ako ng isip noong lumabas ang mga resulta sa mga entrance exam.  Sa dalawang kolehiyo lang ako kumuha ng pagsusulit: sa UP at Ateneo.  Pumasa ako sa dalawang paaralan at dumating na ang oras kung saan kailangan ko nang pumili.  Ang sabi ko ay pipili ako base sa kurso na gusto ko….sobrang layo lang kasi ng mga kurso na pinili ko sa dalawang paaralan. Sa UP, BS Biology (doktor!) at sa Ateneo naman, BS Management Information Systems – MS Computer Science (parang pinaghalong Management at Computer Science).
            Akala ko magiging madali lang ang desisyon, pero sobrang nahirapan ako.  Kinausap ko ang mga magulang ko, mga guro ko, at mga kaibigan ko.  Marami at iba-iba ang mga binigay nilang payo sa akin, at nakatulong naman sila.  Ginawa ko ang sinabi nila, na tingnan ang mga bagay na gusto ko at ayaw ko tungkol sa dalawang paaralan, o kaya tungkol sa dalawang kurso. Yung BS Bio? Kapag hindi ko tinuloy ang pagiging doktor, kaunti lang ang mga pwede kong kunin na trabaho.  Yung BS MIS-MS CS naman, sobrang dami ng mga puwede mong pasukan na trabaho, tapos  isang dagdag na taon lang may Masters degree na ako.
            Pero alin talaga yung kurso na gusto ko, na mahal ko? ‘Yun yung sabi sa akin ng mga kaibigan ko, ng mga magulang ko, ng mga guro ko.  At ‘yun yung mahirap para sa akin: pareho ko silang mahal.  Kaya sa dulo, pinili ko ang kurso na sa tingin ko ay mas mahal ko: yung BS MIS-MS CS sa Ateneo.  Mahilig naman akong makipag-ugnayan sa mga tao (kailangan daw yun sa hanapbuhay ng mga kumukuha ng kurso na yan) at mahilig din naman ako sa ICT (Information and Communications Technology) (kailangan din daw ito).  Sa tingin ko, yung mga trabaho na makukuha ko sa kurso na ito ay yung mga magugustuhan ko talaga, yung mga handa akong ‘di matulog dahil sobrang naliligayahan ako sa ginagawa ko.  Hindi ko sinasabi na ‘di rin ako magiging masaya sa pagiging doktor (pangarap ko lang naman siya para sa labing-pitong taon), pero nararamdaman ko talaga na mas nababagay ako at mas masisiyahan ako sa kurso ko sa Ateneo.
            Sinuportahan naman ako ng mga magulang ko, at dahil doon labis ang pasasalamat ko sa kanila.  Nagbago na ang sagot ko sa tanong na “Ano ang gusto mong maging paglaki mo?” Ang sagot ko na ay “Maging masaya.”  Ewan ko lang kung bakit nagbago ang sagot ko, at kung bakit ganoon ang sinasabi ko.  Sa tingin ko ay magiging masaya naman ako sa hanapbuhay na ibibigay ng kolehiyo at kurso ko sa akin.  Makakatulong pa naman ako sa iba, sa ibang paraan lang naman.
            At marami pa ang mga pangarap ko! Magtrabaho sa Google; mabigyan ng magandang edukasyon ang kapatid ko; makapunta sa Italy, o Japan, o Hawaii; at iba pa.  Basta ang mahalaga ay paglaki ko, kapag katapusan na ng bawat araw at tatanungin ko ang sarili ko kung may natulungan ba ako ngayon at kung may naging masaya ba dahil sa akin, dapat ang sagot ko ay oo.  Kapag ‘iyon ang sagot ko sa tanong na iyon araw-araw, matutupad na rin ang pangarap ko na maging masaya.

No comments:

Post a Comment