Mula sa https://www.facebook.com/SaWakasTheMusical |
Noong ika-1 ng Pebrero, 2013, 7 PM, pumunta kami ng mga kaibigan ko sa isang stage reading ng dulang "Sa Wakas" sa loob ng Ateneo. Hindi katulad ng totoong dula, sa isang stage reading binabasa pa ng mga tauhan ang kanilang mga linya mula sa isang iPad o Kindle; wala pa masyadong props at set; at minsan ang ibang galaw ng mga tauhan ay hindi ginagawa, binabasa lamang.
Kahit simple lang ang pinanood namin, naramdaman ko na parang totoong dula na ang pinapanood ko at masasabi ko na sa kabuuan ay nagustuhan ko ang "Sa Wakas".
Magpapaalam na sa 'yo ang aking kwarto.
Isa sa mga pinakagustuhan ko tungkol sa "Sa Wakas" ay ang pagsasagawa ng kuwento. Ang dula ay tungkol kina Lexi at ang kanyang asawa, si Topper, na nagkaroon ng kabit, si Gabby. Sa una, naisip ko na medyo mababaw ang kuwento at karaniwan lang siya ngunit sa bandang dulo nakita ko na nakakaiba siya dahil sa paraan na ginamit upang ilahad ang kuwento sa mga manonood. Nagsisimula kasi ang "Sa Wakas" sa wakas ng relasyon nina Topper at Lexi, kung saan nagpapaalam na ang dalawang tao sa isa't isa. Ang totoong wakas niya ay ang simula ng buhay nina Lexi at Topper nung tinanong ni Topper si Lexi kung pwede silang makipag-isang dibdib. Sa pabaligtad na paraan ng pagkukuwento, naging mas malalim siya para sa akin, nakita ko ang mga magaganda at pangit na bagay ng relasyon nila, at sa dulo may naiwan na damdamin ng panghihinayang para kay Topper at Lexi (at siguro ito ang epekto ng pabaligtan na paraan ng pagkukuwento).
Di ko na kayang mabuhay sa kahapon, kaya mula ngayon...
Ang pangalawa at pinakanagustuhan kong elemento ng "Sa Wakas" ay ang paggamit niya ng OPM (Original Pinoy Music). Ang OPM na ito ay ang musika na pinapakinggan ko pa--mga kanta ng Sugarfree! Sinusuportahan niya pa ang industriyang musika ng bansa. Isa pa itong dahilan kung bakit nakakaiba ang dula. Hindi katulad ng mga dating Pinoy na dula na pinapanuod ko, medyo bago ang mga kanta dito at mas moderno. Maganda pa ang paggamit ng mga kanta sa mga senaryo. Bagay sila sa kuwento, at nagiging mas matindi ang mga damdamin dahil sa musika.
Natuwa din ako kasi yung mga ibang kanta ay naka-mashup, o kaya'y pinagsama. Sobrang galing din ng mga tauhan. Ang ganda ng mga boses nila. Kahit piano lang ang background music noong stage reading, sobrang ganda na nito at labis din ang kagalingan ng pianista at koro.
Dahil sa stage reading ng "Sa Wakas", may natuklasan akong mga kanta ng Sugarfree na sobrang ganda na 'di ko pa napapakinggan dati. Natagpuan ko na rin sa bagong paraan ang mga kanta na alam ko dati, kaya mas lalo ko silang nagustuhan ulit. Katulad ng sinabi ni Lexi na nabuhayan ulit ang pagtingin niya sa sining dahil kay Topper, nabuhayan ulit ang pagmamahal ko sa OPM dahil sa "Sa Wakas".
Maglilinis na ako ng aking kwarto.
Kahit na nagandahan naman ako sa stage reading, may mga bagay pa rin na pwedeng linisin o ayusin upang maging mas maganda at mas maayos pa ang dula. Para sa akin, medyo pilit ang ibang mga kanta katulad ng "Dear Kuya" at "Kandila", pero kasama ang dalawang kanta na ito sa mga kanta na pinakanagustuhan ko. Parang ang conyo din masyado ng script, ngunit dahil hindi talaga pormal ang pag-uusap ng mga tauhan sa dula baka ayos lang ito, pero baka mainis din ang ibang mga manonood. Hindi ko rin masyadong naramdaman ang damdamin sa ugnayan at relasyon ng mga tauhan.
Sigurado ako na maaayos ng produksyon ng "Sa Wakas" ang lahat ng mga bagay na kailangan ayusin at pagandahin upang maging matagumpay na dula. Baka sa Abril ay papanoorin ko siya ulit kasama ang mga kaibigan.
No comments:
Post a Comment