Pagpapahayag ng Damdamin:
Ang Sining at Kabaklaan sa Pelikulang
Indie
Bawat
taon, may ginaganap na film festival sa
Pilipinas na tinatawagang Cinemalaya
Philippine Independent Film Festival.
Katulad ng Metro Manila Film
Festival, isa rin itong paligsahan.
Ngunit kung ang pinapalabas ng MMFF ay ang mga pelikula na mainstream, o mga pelikula na may
malaking gastusin at nakapokus sa pagbibigay ng aliw para sa masa (Tiongson),
ang mga pelikula naman na pinapalabas ng Cinemalaya
Philippine Independent Film Festival ay ang mga pelikulang independent o pelikulang indie, mga New Wave pelikula na nilikha sa labas ng sistema ng studio. Sa pamamagitan ng sining at integridad, naipapahatid ang
mensahe ng gumawa ng pelikula kahit karaniwang maliit lang ang badyet na
inilalaan sa mga pelikulang indie dahil ang mga gumagawa nito ay walang
malaking studio na
magbibigay ng malaking gastusin sa kanila (Tiongson). Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino, ang sining ay “ang
kalidad, produksiyon, o ekspresyon ng anumang maganda, kaakit-akit, at may
kahalagahang higit sa karaniwan alinsunod sa mga prinsipyong estetiko”, “mga
bagay na nilikha ayon sa pamantayang estetiko”, “anumang larangan na gumagamit
ng kasanayan o malikhaing pamamaraan”, o “kasanayan o kahusayan sa pagsasagawa
ng anumang aktibidad.”
Sa
kasalukuyan, maganda ang kalagayan ng mga pelikulang indie sa bansa
ngayon. Ang Cinemalaya ay
nagbibigay ng pondo para sa paggawa ng mga pelikula na pinapalabas bawat taon
sa Cinemalaya Philippine Independent Film
Festival (“About Cinemalaya”).
Isang uri ng mga pelikula na nakahanap na
ng sarili niyang sulok sa produksiyon ng pelikulang indie ay ang mga gay film. Tumutukoy ito sa kahit anong pelikula kung saan gay issues ang paksa at gay din ang pangunahing tauhan (Tiongson). Upang mas mabigyan ng kalinawan, iba
ang kahulugan ng salitang “bakla” (isang lalaki na babaeng babae ang galaw at
pananamit) sa salitang “gay” (isang lalaki na may gusto sa kapwang lalaki)
(Tiongson).
Dalawa sa mga gay film na naging matagumpay na pelikula na ipinalabas ng
Cinemalaya ay ang Sayaw ng Dalawang
Kaliwang Paa na idinirekta ni Alvin Yapan at Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros na idinirekta naman ni Auraeus Solito. Sa pamamagitan ng pagsuri sa dalawang
pelikulang indie na ito, ipapakita na ang paglalarawan ng mga gay o bakla sa industriya sa pelikula ay
umuunlad at nagbabago sa tulong ng sining. Ginagamit ng gay o
bakla ang sining upang maipahayag niya ang kanyang mga nararamdaman at
nararanasan at ang gay o bakla ay
itinuturing na karaniwang bahagi ng buhay at hindi hiwalay na katawan na
pinupuna ng lipunan.
Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa
Sa
pelikulang Sayaw ng Dalawang Kaliwang
Paa, malaki ang papel ng sining.
Mayroong sining ng sayaw, sining ng tula, sining ng musika, at sining ng
dula,. Nagkatagpo ang mga
pangunahing tauhan (si Marlon, si Dennis, at si Ma’am Karen) dahil sa sayaw at
sa tula. Dati, hindi maintindihan
ni Marlon ang sining ng tula kaya hindi niya maintindihan ang mga tinuturo ni
Ma’am Karen, yung babaeng gusto niya.
Ngunit sa tulong ng kaibigan niyang si Dennis at sa tulong na rin ni
Ma’am Karen, na guro rin sa sayaw, natuto siyang sumayaw. Sa pamamagitan ng tugma ng mga galaw sa
sukat ng musika, naintindihan niya rin ang sukat at tugma ng tula.
Higit
pa rito, ang sining ay nagsilbi bilang isang paraan ng pagpapahayag ng mga
nadarama ng mga pangunahing tauhan, lalo na sina Marlon at Dennis. Marami ang mga eksena sa pelikula kung
saan walang nagsasalita ngunit naiintindihan ng manonood ang sinasabi ng mga
tauhan dahil sa galaw nila at dahil din sa musika na pinapatugtog. Sa matinding galaw at matinding tono ng
boses ni Dennis makikita ang matinding pagnanais niya kay Marlon. Hindi diretsong pinakita ng pelikula
ang mga gay na tema ngunit nahahalata
ng manonood ito dahil sa mga eksena sa pelikula kung saan ipinapahayag ng mga tauhan
ang mga malalakas na emosyon nila sa pamamagitan ng sining
Bilang
karagdagan, mahalaga rin ang mga maliliit na elemento ng pelikula katulad ng
mga kasuotan ng mga tauhan, sinematograpiya ng pelikula, at paggamit ng sining
hindi lang sa kuwento kung di sa ibang bahagi din katulad ng background music. Maganda ang paggamit ng mga ito sa
pelikula dahil pinalalim nila ang mensahe nito. Sa isang pelikula na ito, saklaw ang paksa ng pag-ibig
hanggang pilosopiya. Mga tula
katulad ng Litanya ni Merlina Bobis
at Paglisan ni Joi Barrios ay
nagbibigay ng mga mensahe na may kabuluhan sa buhay ng mga tauhan. Sa dulo, noong nagtatanghal sina Marlon
at Dennis sa epikong Humadapnon,
makikita ang kaugnayan sa isa’t isa ng mga iba’t ibang larangan ng sining
katulad ng sining ng sayaw, tula, musika, at dula. Sa sinabi ni
Marlon na, “Para siyang kumakanta palagi, pero hindi naman. Sumasayaw siya”
nakita niya ang paghahalo ng iba’t ibang larangan ng sining na nagiging mas
maganda ang aestetikong halaga at mas nakakatulong pa sa pag-iintindi at
pagpapahayag ng mga damdamin.
Isa
itong pelikula na nagpapakita na nagbabago at umuunlad na ang mga gay film. Dati, pangit ang diyalogo sa mga
ganitong pelikula (Reyes 60); para sa komedya lang ang mga bakla (Reyes 58);
nagiging straight o tunay na lalaki
ang bakla sa dulo, at ang bakla ay tinuturing lamang na isang lalaki na
gumagalaw ng parang babae (Tiongson). Ngunit sa pelikulang ito, malalim at
maganda ang diyalogo; seryoso at ma-drama ang personalidad ng bakla; baliktad
ang nangyari at maaaring isipin na nadiskubre ng dalawing lalaki na gay sila; at sa pelikula hindi sila
gumagalaw ng parang babae. Ang
“Dalawang Kaliwang Paa” sa pamagat ng pelikula ay tumutukoy sa ballroom dancing, ang sinasayaw ng mga
tauhan, kung saan ang pangunahing paa na ginagamit ng lalaki palagi ay ang
kaliwang paa.
Ang
Pagdadalaga ni Maximo Oliveros
Sa
pelikulang ito, hindi kasing-halata ang papel ng sining dito kaysa sa papel
niya sa Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang
Paa ngunit mayroon pa rin intong mahalagang gamit. Ang maingay na pagtugtog ng piyano sa simula ay nagbibigay ng imahen ng
lungsod kung saan nabubuhay ang pangunahing tauhan, ang baklang Maxi, isang
lungsod na nalulunod sa kahirapan at karalitaan. Ipinapahayag niya ang mga emosyon niya sa pamamagitan ng
galaw, salita, at pananamit niya, na maituturing ring isang sining. Isa sa mga
pinakaemosyonal na bahagi ng pelikula ay ang eksena kung saan pumapaswit si
Maxi at ang pulis na gusto niya.
Kahit di sila nagsasalita damang dama ang mga pinapahayag nilang emosyon
ng kalungkutan sa mga paswit na ito.
Isa
ito sa mga pelikula na nagbibigay kapangyarihan sa mga bakla. Si Maxi ay minamahal at tinatanggap ng buo ng pamilya at nararaos niya
ang mga hirap na pinagdadaanan niya sa buhay at ito ay nagbibigay-daan sa isang
wakas na may pagasa.
Sining at Kabaklaan sa Pelikulang Indie
Ayon kay Inton (42) sa konteksto ng Pilipinas ang pagiging gay o bakla ay isang manipestasyon ng kalooban ng tao; inilalarawan siya bilang “lalaki na may puso ng babae.” Nauugnay ang sining dito sapagkat isa siyang pamamaraan na maaaring maging manipestasyon ng gay o bakla sa kalooban niya.
Nagbabago
at umuunlad na ang mga gay film na
pelikulang indie. Hindi katulad ng
dati kung nasaan ang mga bakla ay may negatibong imahen na hindi tinatanggap ng
lipunan (Reyes 58), ang paglalarawan sa mga bakla ngayon ay mas positibo. Hindi na sila itinuturing na hiwalay na
bahagi ng lipunan; binibigyan na sila ng dignidad, respeto, at lakas; at
sinisira ang mga stereotipo ng mga bakla o
gay (Tiongson). Sa tulong ng sining, ang mga gay at bakla sa pelikulang indie ay binibigyan ng liberasyon.
Mga Pinagkunan:
"About Cinemalaya." Cinemalaya.
N.p., n.d. Web. 30 Jan. 2013.<http://www.cinemalaya.org/about_cinemalaya.htm>.
Inton, Michael N. “The Bakla and Gay
Globality in Philippine Mainstream and Independent Cinema.” MA thesis. Ateneo
de Manila University, 2012.
Reyes, Emmanuel. Notes on Philippine Cinema. Manila: De La Salle University Press,
1989. Print.
“Sining.” UP Diksiyonaryong Filipino. Unang Limbag. 2001. Print.
Solito,
Auraeus,
dir. Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Perf.
Nathan Lopez. Unitel
Pictures, 2005. Pelikula.
Tiongson,
Nicanor G. “Gay New Wave Indie Films: Liberation or Exploitation?” Homosexuality in the New Wave Indie
Film: Liberation or Exploitation? Ateneo De Manila University, Quezon City. 17
Jan. 2013. Panayam.
Yapan, Alvin, dir. Sayaw
ng Dalawang Kaliwang Paa. Perf. Paulo Avelino, Rocco Nacino and Jean Garcia.
Cinemalaya, 2011. Pelikula.
No comments:
Post a Comment