Sunday, February 24, 2013

Sinulid

Dalawa sa mga bagay na ginagawa ko kapag malungkot ako ay magsulat at tumingin sa itaas.

Hindi sa kisame, pero sa langit.  Doon sa mga ulap na sumasayaw, o ulan na nahuhulog, o bituin na nagniningning. Doon sa bagay na iyon na kulay asul, o minsan kulay-abo, at kapag suwerte ako maaabutan ko siya na kulay lila at pula.  Doon sa malaking kalawakan na iyon na sakop ang buong mundo natin.  Dito ang bahay ng buwan, ang tahanan ng araw. Dito ang kaligayahan ko.

Kadalasan, malungkot ako sa kadahilanang labis ang pagdadalamhati at pagnanais ko para sa nakaraan.  At sino naman ang hindi ganito? Sino ang hindi gustong maging bata ulit at tumakbo at maglaro ng walang mabigat na iniisip? Sino ang hindi gustong bumalik sa dating mataas na paaralan at yakapin ang mga kaibigan ulit na mahirap nang makita ngayon dahil okupado kayong lahat palagi? Sino ang hindi gustong pumunta ulit sa lugar at panahon kung saan nakahawak siya sa kamay mo, nakayakap sa iyo, nagbibigay pa ng mga bulaklak sa iyo sa Valentine's Day kahit 'di niya yata alam na ayaw mo na binibigyan ka ng bulaklak?

Kaya ito ang naisip kong paraan upang mawala ang lungkot ko kaagad.  Ang langit ay nagsisilbing isang paalala sa akin na magkaugnay ang lahat ng mga tao at bagay.  Sakop nga niya ang buong mundo natin, di ba? Kahit saan ako pupunta, naroon siya.  Nakakahanap ang puso ko ng kapayapaan sa kaalaman na kapag nakatingin ako sa langit, baka nakatingin din dito ang mga tao na naging bahagi ng mga alaala ko.  Baka iniisip din nila ang iniisip ko: pareho kaming nasa ilalim ng nakakamangha na bagay na ito.  Isa lang ang langit, at kahit magbago ang takbo ng mundo hindi pa rin ito magbabago.  Kung mahulog man ito, mahuhulog siya sa lahat ng tao.  Ito ang kaisa-isang sinulid ko na nagbibigay ng koneksiyon sa akin sa lahat ng lugar, lahat ng bagay, lahat ng kaluluwa sa daigdig.

At dahil di nga siya nagbabago, saksi siya sa lahat ng nangyari sa akin, masaya at malungkot.  Dala ng isang sinag ng araw ang ligaya ko noong una kong narinig ang umaalingawngaw na tawa ng kapatid ko.  Inilalarawan ng mga tala ang mga pangarap ko simula pa noong bata ako.  Ang isang patak ng ulan ay isang malungkot na alaala, at sa bawat paghulog nito maaari ko ring hayaan na mahulog at mawala sa isip ko ang mga malungkot na alaala na ito...kung magagawa ko lang na bitiwan sila at hayaan na mawala. Nakatago daw ang Diyos sa mga ulap, at tumitingin sa atin mula sa puwesto niya dito, naninigurado na ligtas tayo sa mga mapanganib na bagay.  Ang langit ay isang simbolo ng pag-ibig Niya para sa atin, ang bahaghari isang tanda ng Kanyang mga mabubuting pangako.

Pagkatapos kong isipin 'to, hindi na ako malulungkot.  Mapapangiti na ako at mahahanap ko ang inspirasyon na tumuloy sa pagyapak sa landas na magdadala sa akin sa kapalaran ko.  Maganda ang langit.  Buti na lang nilikha ng Diyos ang kahima-himalang bagay na ito.

No comments:

Post a Comment