Sunday, March 24, 2013

Kapangyarihan ng Utak: Kontrol sa Mga Emosyon atbp.



                  

Uhmmm.
                 Pagnilay-nilay: Ganito ang ginagawa ng mga tao kapag gusto nilang makamit ang estado sa buhay na tinatawag na...
                  Sa Buddhism, nirvana. Sa Hinduism, moksha. Sa Islam, fanaa. Sa isang salita: Kapayapaan. Kalayaan. Nakasentro ang lahat ng mga relihiyon sa kaiisa-isang konsepto na ito: kaliwanagan (God, 2013). Sa panahon na maliwanag na ang lahat sa kaluluwa. Ngunit--- shhh! Sobrang hirap pumasok ng masaya sa estado na ito ng katahimikan dahil sobrang ingay. Nakakainis. Nakakalungkot. Nakakapagod. At kapag masaya ka, masaya ka para sa maikling panahon lamang.  Hinding hindi nagtatagal ang kasiyahan mo.
                  Siguro iisipin mo na hindi mapigilan ang mga emosyon na nararamdaman mo. At totoo ito...pero mali din siya.  Ipapakita ko na ang solusyon ay nasa utak—literal ay nasa utak.
                  Alam nating lahat na ang utak ay ang piloto ng mga sistema ng ating katawan; pati na rin ating mga iniisip at nararamdaman. May mga rehiyon sa utak na nagkokontrol sa ating mga galaw, nakikita, narininig, nasasabi, at iba pa. Nasa utak din ang konsensiya at mga alaala natin.  May bahagi ng utak na nagpapatakbo ng mga circuit na gumagawa ng ating abilidad na magsalita sa komplikadong wika, o maghanap ng solusyon sa isang mahirap na problema sa matematika.  May mas malalim pa na bahagi ng utak natin na responsable para sa mga emosyon natin. Ang tawag sa bahagi na ito ay ang limbic system (Taylor, 2008).
                  Sa limbic system, nagkakaroon ng mga stimuli na nagpapatakbo ng mga emosyonal na reaksyon natin. Halimbawa, kapag nakikita ko ang kulay na berde, nagiging kalmado ako, pero kapag nakikita ko ang kulay na pula, natatakot ako. Gusto ng guro ko na sa klase, aktibo ang aking hippocampus at hindi ang aking amygdala para makapag-aral  akong mabuti kaya pipinturahan niyang berde ang lahat ng mga pader sa paaralan.  Pero kung gusto niyang matakot ako, ang kailangan niya lamang gawin ay pinturahan ng pula ang mga pader. (Taylor, 2008)
                  Siguro ang hindi alam ng mga tao ay tumatagal ang mga emosyonal na reaksiyon natin ng siyamnapu na segundo lamang. Oo, sa loob ng isa’t kalahating minuto ay magkakaroon ng stimulus ang limbic system ko, magpapadala siya ng angkop na emosyonal na circuit na iikot sa buong katawan ko, at mawawala kaagad ang emosyon na ito sa blood stream ko (Taylor, 2008).  Kapag nararamdaman ko pa rin ang emosyon na iyon pagkatapos ng isa’t kalahating minuto, ito ay dahil pinili kong manatili ang emosyon na iyon sa katawan ko at sa isip ko. Halimbawa, nakakita ako ng kulay na pula. Dahil nakita ko ang kulay na ito, matatakot ako, pero dapat magtatagal lang ito sa loob ng isa’t kalahating minuto.  Kapag pagkatapos ng oras na iyon ay takot pa rin ako, ito ay dahil pinili kong maging takot pa rin pagkatapos ng oras na iyon.
                  Nasa atin lang ang mga gusto nating maramdaman—kapag gusto mong maging masaya, magiging masaya ka; at kapag gusto mong maging malungkot, magiging malungkot ka. Maaari na iisipin mo na baka nawala na ang abilidad mo na maging masaya, pero hindi totoo iyon. Nasa utak mo pa rin ang circuit ng kasiyahan; baka natatabunan lang siya ng ibang emosyonal na circuit katulad ng kalungkutan.  Baka pinili mo  o mas gusto mong maging malungkot. Para maiwasan ang mga ganito, kailangan na bigyan mo ng atensiyon ang utak mo at mga iniisip at nararamdaman nito. Kapag may nararamdaman kang emosyon na ayaw mong maramdaman, tingnan mo kung ano ang magiging reaksiyon ng katawan mo. Halimbawa, bibilis ba ang tibok ng puso mo? Pagkatapos nito ay maghintay ng isa’t kalahating minuto para mawala ang damdamin, at pagkatapos ng panahon na iyon ay nararamdaman pa rin ito, kausapin ang sarili at sabihin sa utak na mawala na ang emosyon na ito. Maghanap  kang ibang stimulus na magpapatakbo ng ibang emosyonal na reaksiyon na gusto mo.
                  Nakakatuwang isipin na nasa kamay–o, nasa utak—natin ang desisyon na maging masaya, o magkaroon ng kapayapaan sa sarili.  Balikan natin ang salitang nirvana—ang estado ng buhay kung saan isa lang kayo ng sansinukob (God, 2013). Pinag-aralan ang mga utak ng mga Tibetan na monghe at Franciscan na madre habang sila ay nagmumuni-muni, at nakita dito na mahina ang orientation association area ng utak (Taylor, 2008). Dahil dito, nadadama natin ang mga pisikal at spasyal na hangganan natin, at pati na rin kung paano tumatakbo ang oras. Nakapuwesto ito sa kaliwang utak natin, na nagbibigay ng ating identidad, alaala, at inidividuality. Ang isa pa namang hati ng utak natin, ang kanang utak, ay nakatuon sa orientasyon natin sa kasalukuyang sandali at sa paligid natin. Kapag mas mahina ang kaliwang utak, lalo na ang orientation association area, mararamdaman natin na mawawala ang mga pisikal na hangganan natin at pwede tayong magpokus sa kasalukuyang sandali, kung saan isa lang tayo ng sansinukob (Taylor, 2008).
                  Teka, sinasabi ko ba na produkto lamang ang tao ng kanyang imahinasyon? Kayo na bahala mag-isip tungkol dun. Kulang na ako sa oras at paksa siya para sa ibang TED Talk. Gusto ko lang sabihin na ang kapayapaan na hinahanap natin ay nasa loob lang ng isipan at katawan natin.  Nakamamangha dahil kapwa tayong kasingliit ng mga alikabok lamang ng mga bituin at kasinglaki ng buong kalawakan. Baka hindi natin mapigilan na maramdaman ang mga iba’t ibang emosyon, pero pwede nating piliin kung mananatili ang emosyon na iyon o hindi.  Tandaan: hindi maiwasan ang sakit, pero hindi sapilitan ang pagdurusa.

Mga Pinagkunan:
God and Religious Toleration. (Pinuntahan 24 Mar, 2013). Wikibooks. Kinuha sa http://en.wikibooks.org/wiki/God_and_Religious_Toleration.

Taylor, J. B. (2008). My Stroke of Insight. USA: Viking.


No comments:

Post a Comment