Sa ilalim ng direksiyon ni Mark Meily, ang pelikulang "El Presidente" ay isang biograpiya ng buhay ni Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng Pilipinas. Ang gumanap kay Aguinaldo ay si Jorge Estregan, at nasa pelikula din sila Cesar Montano, Christopher de Leon, Nora Aunor, at Cristine Reyes. Dahil isa itong epiko, sobrang haba niya. Nagsisimula ang pelikula sa panahon ng mga Kastila at natatapos sa kamatayan ni Aguinaldo.
Bilang isang pelikula na pangkasaysayan, maganda ang sinematograpiya nito. Ang sinematograpiya ay tumutukoy sa pagkakagawa ng mga elemento tulad ng kalidad, pag-frame, sukatan at paggalaw na nagsasama-sama sa gumagalaw na imahe (Pinagkunan). Ang kulay ng pelikula ay nagbibigay-diin sa makalumang tono niya. Gusto ko rin ang paglagay ng mga litrato nila Aguinaldo dahil mas naramdaman ko ang makasaysayan na katangian ng pelikula dahil dito. Maganda rin ang mga anggulo ng pagkakakuha sa mga lugar at tauhan.
Sa kabilang dulo, hindi ko nagustuhan ang sinematograpiya ng mga labanan. Masyadong peke ang mga special effects at hindi maganda ang anggulo ng mga ito, ngunit maganda ang isang special effect kung saan biblang babagal ang frame at magpopokus sa isang partikular na tao.
Para sa akin, hindi ito ang pinakamagandang pelikula sa walong pelikula sa Metro Manila Film Festival, ngunit maganda siyang simula para sa mga pangkasaysayan na pelikula ng bansa. Mas kailangan ng industriya ng pelikula ngayon ang mga pelikula tulad nito upang mas maintindihan, magustuhan, at mapahalagahan pa ng mga tao ang ating kasaysayan. Kapag sinematograpiya lang ang pinag-uusapan binibigyan ko siya ng marka na 4 sa 5 bituin.
No comments:
Post a Comment