Sunday, January 20, 2013

3. DMX




Buti na lang DMX ang pinili namin ni Zarah na paksa. Dahil gustong gusto namin ang laro na ito, ang paggawa ng Pakitang Gilas ay naging tila isang libangan imbis na pabigat. Ang gagawin lang naman namin ay maglaro, at magsalita tungkol sa isang laro na nilalaro na namin ng higit pa sa apat na taon!

At buti na lang sa Powerstation sa loob ng Powerplant, Rockwell, kami naglaro! Ito yung arcade sa loob ng mall na malapit sa hayskul ko dati kaya natagpuan ko rin mga kaibigan ko na nag-aaral pa rin dun ngayon.  Minsan ko na lang kasi sila makita kaya noong nagpakita sila tuwang tuwa ako.  Kumaway ako kaagad tapos nakayakap at nakausap ko pa yung iba!

At buti na lang kasama namin si Tracey, ang kaibigan namin.  Siya yung nag-video sa amin, at sa bandang dulo noong ginagawa namin ang sayaw tawa siya ng tawa dahil may dalawang matandang babae na tumigil at pinanuod kami.  Hindi ko alam kung natutuwa o natatawa sila sa ginagawa namin.  Siya rin ang naglalaro noong nag-fail ang laro sa video.  Noong ginawa namin ang bahagi na yun ng video, naiinis na kami kasi ilang beses na kaming namamatay sa laro, ayaw pa rin makuhanan sa kamera ang "FAILED" na lumalabas sa screen! Pero nagawa din namin, sa wakas. Salamat, Tracey!  Tapos pagkatapos, nakapag-picture pa kami sa may Christmas tree sa Rockwell!
Si Tracey ang nasa pinaka-kanan.

Thursday, January 10, 2013

Grace

Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa anak mo?  Sa romantikong drama "One More Try", ipinapakita ni Angel Locsin na gumanap bilang Grace na para sa kanya, wala talagang limitasyon ang mga handa niyang isakripisyo, basta para sa anak niya.  Kasama si Dingdong Dantes na gumanap bilang Edward, Angelica Panganiban na gumanap bilang Jaq, at Zanjoe Marudo na gumanap bilang Tristan, si Grace ay kailangang gumawa ng desisyon kung saan nakasalalay ang buhay ng anak niya dito.  Sa ilalim ng direksiyon ni Ruel S. Bayani at produksyon ng ABSCBN Star Cinemas, magugulat ka dahil ang romantikong drama na ito sa tagpuan ng Manila at Baguio sa kasalukuyang panahon ay hindi lamang isang pelikula tungkol sa pag-ibig sa pamamagitan ng dalawa (o higit pang) tao.

Sa kabuuan, mahusay naman ang buong pelikula.  Magaling ang mga artista; naaliw ako sa dyalogo at musika; pero ang pinaka-nagtatak sa isip ko ay ang komplikadong kuwento niya.  Si Botchok, ang anak ni Grace, ay may sakit at sa simula ng kuwento, ang makakagamot lang kay Botchok ay ang tatay niya, si Edward, na may asawa na (si Jaq).  Ayon sa manggagamot, ang pinakamahusay na paraan para mapagaling si Botchok ay kapag nagkaroon ng isa pang anak si Grace sa tatay ni Botchok.  Mas nagiging magulo ang kuwento dahil may kasintahan din si Grace, si Tristan.  Alam ni Grace na masisira ang kanyang magandang relasyon kay Tristan, ang pagtingin ng ina niya sa kanya, ang kanyang dignidad, at ang kanyang reputasyon kapag ginawa niya ito.  Ngunit nagiging mas malala na ang kondisyon ng kanyang anak, nawawalan na siya nga mga iba pang opsyon, at kapag hindi niya ginawa ito, baka mamatay ang anak niya.

Natuwa din ako dahil hindi ko inaasahang na magiging kuwento tungkol sa pamilya ang pelikula, pero mahalagang tema ito sa "One More Try".  Lahat ng ginagawa ni Grace ay para sa anak niya, kahit sobrang sakit na ng mga ginagawa niya para sa sarili.  Habang nanunuod, napaisip ako kung tama nga ba talaga ang ginagawa niya at kung gagawin ko rin yung mga ginagawa niya kung ako ang nasa posisyon niya.  Maganda na ginawang malalim ang kuwento nito at malabo ang pagkakaiba ng tama sa mali. Hindi rin masyadong mabagal ang pag-unlad ng kuwento, di tulad ng ibang romantikong drama.  Sa kuwento, nagbigay din sila ng kontrobersiyal na tanong na hindi masyadong pinag-iisipan ng mga tao:  Sa buhay ng isang babae, ano ang mauuna-- ang papel niya bilang asawa o ina? Sabi nga sa pelikula, "Lahat ng ina gagawin ang anuman para mabuhay ang anak nila.  Pero maraming babae ang papatay para maprotektahan ang asawa nila."

Isa pang aspeto ng pagbuo ng kuwento ay ang pag-unlad ng pagkatao ng mga tauhan.  Naging mas kongkreto ang kuwento dahil ipinakita rin ang mga pinagdaanan ng mga tauhan sa buhay: si Jaq na dating mahirap at naging buntis pa lang ng isang beses, at sa isang beses na ito namatay ang sanggol nila; si Edward na sobrang gustong maging tatay; at si Grace na noong sila ni Edward ay hindi niya alam na may asawa pala ito.  Nagbibigay ako ng kudos sa mga gumawa ng kuwento dahil halatang pati ang mga pinakamaliit na bagay ay pinag-isipan nila ng mabuti, katulad ng pangalan ng nanay ni Botchok: Grace.  Kapag pinanuod mo ang pelikula, makikita mo na ito ay isang malaking kabalintunaan.  Ang isa pa ay ang paglagay ng kuwento ng Ibong Adarna bilang isang talinghaga kung saan si Prinsipe Juan na kumakatawan kay Grace ay handa magtiis ng kahit anong sakit basta mabuhay lang ang Hari na kumakatawan kay Botchok.

Ngunit hindi perpekto ang kuwento--may mga butas din. Puwede rin namang ipadala si Botchok sa ibang bansa para bigyan siya ng gamot.  Ganun ba katagal ang proseso ng pagkakaroon ng visa?  Nalungkot ako dahil parang hindi masyadong malalim ang tauhan ni Tristan.  Hindi inilarawan ang buhay niya bago naging sila ni Grace, at ipinakita lang na lasinggero siya at skulptor.

Malalim, makabuluhan, at kontrobersiyal--ito ang mga elemento ng kuwento na magugustuhan ng masa.  Kapag pag-unlad ng kuwento ang pinag-uusapan, bibigyan ko ng 4 sa 5 bituin ang pelikulang ito.





Pagbalik sa Nakaraan

Sa ilalim ng direksiyon ni Mark Meily, ang pelikulang "El Presidente" ay isang biograpiya ng buhay ni Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng Pilipinas.  Ang gumanap kay Aguinaldo ay si Jorge Estregan, at nasa pelikula din sila Cesar Montano, Christopher de Leon, Nora Aunor, at Cristine Reyes.   Dahil isa itong epiko, sobrang haba niya.  Nagsisimula ang pelikula sa panahon ng mga Kastila at natatapos sa kamatayan ni Aguinaldo.

Bilang isang pelikula na pangkasaysayan, maganda ang sinematograpiya nito.  Ang sinematograpiya ay tumutukoy sa pagkakagawa ng mga elemento tulad ng kalidad, pag-frame, sukatan at paggalaw na nagsasama-sama sa gumagalaw na imahe (Pinagkunan).  Ang kulay ng pelikula ay nagbibigay-diin sa makalumang tono niya.  Gusto ko rin ang paglagay ng mga litrato nila Aguinaldo dahil mas naramdaman ko ang makasaysayan na katangian ng pelikula dahil dito.  Maganda rin ang mga anggulo ng pagkakakuha sa mga lugar at tauhan.

Sa kabilang dulo, hindi ko nagustuhan ang sinematograpiya ng mga labanan.  Masyadong peke ang mga special effects at hindi maganda ang anggulo ng mga ito, ngunit maganda ang isang special effect kung saan biblang babagal ang frame at magpopokus sa isang partikular na tao.

Para sa akin, hindi ito ang pinakamagandang pelikula sa walong pelikula sa Metro Manila Film Festival, ngunit maganda siyang simula para sa mga pangkasaysayan na pelikula ng bansa.  Mas kailangan ng industriya ng pelikula ngayon ang mga pelikula tulad nito upang mas maintindihan,  magustuhan, at mapahalagahan pa ng mga tao ang ating kasaysayan.  Kapag sinematograpiya lang ang pinag-uusapan binibigyan ko siya ng marka na 4 sa 5 bituin.