Uhmmm.
Pagnilay-nilay: Ganito ang ginagawa ng mga tao kapag gusto nilang makamit ang estado sa buhay na tinatawag na...
Sa
Buddhism, nirvana. Sa Hinduism, moksha. Sa Islam, fanaa. Sa isang salita: Kapayapaan. Kalayaan. Nakasentro ang lahat
ng mga relihiyon sa kaiisa-isang konsepto na ito: kaliwanagan (God, 2013). Sa panahon na maliwanag na
ang lahat sa kaluluwa. Ngunit--- shhh! Sobrang
hirap pumasok ng masaya sa estado na ito ng katahimikan dahil sobrang ingay.
Nakakainis. Nakakalungkot. Nakakapagod. At kapag masaya ka, masaya ka para sa
maikling panahon lamang. Hinding
hindi nagtatagal ang kasiyahan mo.
Siguro
iisipin mo na hindi mapigilan ang mga emosyon na nararamdaman mo. At totoo
ito...pero mali din siya.
Ipapakita ko na ang solusyon ay nasa utak—literal ay nasa utak.
Alam
nating lahat na ang utak ay ang piloto ng mga sistema ng ating katawan; pati na
rin ating mga iniisip at nararamdaman. May mga rehiyon sa utak na nagkokontrol
sa ating mga galaw, nakikita, narininig, nasasabi, at iba pa. Nasa utak din ang
konsensiya at mga alaala natin.
May bahagi ng utak na nagpapatakbo ng mga circuit na gumagawa ng ating abilidad na magsalita sa komplikadong
wika, o maghanap ng solusyon sa isang mahirap na problema sa matematika. May mas malalim pa na bahagi ng utak
natin na responsable para sa mga emosyon natin. Ang tawag sa bahagi na ito ay
ang limbic system (Taylor, 2008).
Sa
limbic system, nagkakaroon ng mga stimuli na nagpapatakbo ng mga emosyonal
na reaksyon natin. Halimbawa, kapag nakikita ko ang kulay na berde, nagiging
kalmado ako, pero kapag nakikita ko ang kulay na pula, natatakot ako. Gusto ng
guro ko na sa klase, aktibo ang aking hippocampus
at hindi ang aking amygdala para
makapag-aral akong mabuti kaya
pipinturahan niyang berde ang lahat ng mga pader sa paaralan. Pero kung gusto niyang matakot ako, ang
kailangan niya lamang gawin ay pinturahan ng pula ang mga pader. (Taylor, 2008)
Siguro
ang hindi alam ng mga tao ay tumatagal ang mga emosyonal na reaksiyon natin ng
siyamnapu na segundo lamang. Oo, sa loob ng isa’t kalahating minuto ay
magkakaroon ng stimulus ang limbic system ko, magpapadala siya ng
angkop na emosyonal na circuit na
iikot sa buong katawan ko, at mawawala kaagad ang emosyon na ito sa blood stream ko (Taylor, 2008). Kapag nararamdaman ko pa rin ang
emosyon na iyon pagkatapos ng isa’t kalahating minuto, ito ay dahil pinili kong
manatili ang emosyon na iyon sa katawan ko at sa isip ko. Halimbawa, nakakita
ako ng kulay na pula. Dahil nakita ko ang kulay na ito, matatakot ako, pero
dapat magtatagal lang ito sa loob ng isa’t kalahating minuto. Kapag pagkatapos ng oras na iyon ay
takot pa rin ako, ito ay dahil pinili kong maging takot pa rin pagkatapos ng
oras na iyon.
Nasa
atin lang ang mga gusto nating maramdaman—kapag gusto mong maging masaya,
magiging masaya ka; at kapag gusto mong maging malungkot, magiging malungkot
ka. Maaari na iisipin mo na baka nawala na ang abilidad mo na maging masaya, pero
hindi totoo iyon. Nasa utak mo pa rin ang circuit
ng kasiyahan; baka natatabunan lang siya ng ibang emosyonal na circuit katulad ng kalungkutan. Baka pinili mo o mas gusto mong maging malungkot. Para
maiwasan ang mga ganito, kailangan na bigyan mo ng atensiyon ang utak mo at mga
iniisip at nararamdaman nito. Kapag may nararamdaman kang emosyon na ayaw mong
maramdaman, tingnan mo kung ano ang magiging reaksiyon ng katawan mo.
Halimbawa, bibilis ba ang tibok ng puso mo? Pagkatapos nito ay maghintay ng isa’t
kalahating minuto para mawala ang damdamin, at pagkatapos ng panahon na iyon ay
nararamdaman pa rin ito, kausapin ang sarili at sabihin sa utak na mawala na
ang emosyon na ito. Maghanap kang
ibang stimulus na magpapatakbo ng
ibang emosyonal na reaksiyon na gusto mo.
Nakakatuwang
isipin na nasa kamay–o, nasa utak—natin ang desisyon na maging masaya, o
magkaroon ng kapayapaan sa sarili.
Balikan natin ang salitang nirvana—ang
estado ng buhay kung saan isa lang kayo ng sansinukob (God, 2013). Pinag-aralan ang mga utak ng mga Tibetan na monghe at
Franciscan na madre habang sila ay nagmumuni-muni, at nakita dito na mahina ang
orientation association area ng utak
(Taylor, 2008). Dahil dito, nadadama natin ang mga pisikal at spasyal na
hangganan natin, at pati na rin kung paano tumatakbo ang oras. Nakapuwesto ito
sa kaliwang utak natin, na nagbibigay ng ating identidad, alaala, at inidividuality. Ang isa pa namang hati
ng utak natin, ang kanang utak, ay nakatuon sa orientasyon natin sa kasalukuyang
sandali at sa paligid natin. Kapag mas mahina ang kaliwang utak, lalo na ang orientation association area, mararamdaman
natin na mawawala ang mga pisikal na hangganan natin at pwede tayong magpokus
sa kasalukuyang sandali, kung saan isa lang tayo ng sansinukob (Taylor, 2008).
Teka,
sinasabi ko ba na produkto lamang ang tao ng kanyang imahinasyon? Kayo na
bahala mag-isip tungkol dun. Kulang na ako sa oras at paksa siya para sa ibang
TED Talk. Gusto ko lang sabihin na ang kapayapaan na hinahanap natin ay nasa
loob lang ng isipan at katawan natin.
Nakamamangha dahil kapwa tayong kasingliit ng mga alikabok lamang ng mga
bituin at kasinglaki ng buong kalawakan. Baka hindi natin mapigilan na
maramdaman ang mga iba’t ibang emosyon, pero pwede nating piliin kung
mananatili ang emosyon na iyon o hindi.
Tandaan: hindi maiwasan ang sakit, pero hindi sapilitan ang pagdurusa.
Mga Pinagkunan:
God and Religious
Toleration. (Pinuntahan 24 Mar, 2013). Wikibooks.
Kinuha sa http://en.wikibooks.org/wiki/God_and_Religious_Toleration.
Taylor, J. B. (2008). My
Stroke of Insight. USA: Viking.