Saturday, December 8, 2012

2. Crinkles: Paborito Kong Pasalubong ng Baguio



Pinagkunan: http://www.simplyrecipes.com/wp-content/uploads/2011/12/chocolate-crinkles-a1.jpg


PAGLALARAWAN
  Ang pinili kong pagkain ay ang crinkles.  Isa itong cookie, pero 'di tulad ng ibang cookies, malambot siya, parang cupcake. Ito ay malaman, mataba, hugis burol, at may mga maliliit na biyak sa ibabaw.  Kulay puti siya (dahil nakabalot siya sa asukal) at ang mga maliliit na biyak sa ibabaw ay kulay tsokolate (dahil sa tsokolate).  Kaya siguro crinkles ang pangalan niya--dahil tila siyang isang lukot-lukot na bola ng papel o kaya matandang mukha na puno ng kulubot na dala ng pagtanda.  Kapag hinawakan mo ito, mararamdaman mo na medyo magaspang ang labas dahil sa asukal na parang pulbo ngunit kapag biniyak mo makikita mo ang malambot na tsokolate sa loob.  
  Kapag kinain mo ito, parang kinakain mo si Spongebob dahil spongy siya.  Matamis ang crinkles at masarap siyang nguyain dahil sobrang lambot niya.  Medyo malagkit siya, kaya pagkatapos mong kumain ng ganito 'wag kang magulat kapag gusto mong uminom ng tubig.  Kikilitiin ng asukal ang iyong dila at kapag kinagat mo na siya, sasabog ang halong lasa ng tsokolate at asukal sa iyong dila.       

Pinagkunan: http://farm4.staticflickr.com/3028/2791736465_65dbfa0e73_z.jpg

  

PAGSASALAYSAY

  Ang pagkain na pinili ko ay pagkain na galing sa lugar kung saan ako ipinanganak; isa rin ito sa pinakapaborito kong pagkain.  Sa totoo lang sobrang espesyal ng pagkain na ito para sa akin dahil sa mga kuwento sa likod niya.  Kapag kumakain ako nito, tatlong salita ang pumapasok sa isip ko palagi:  kabataan, kaibigan, at tahanan.
  Crinkles ay ang pagkain na tinutukoy ko.  Ito ang pinakaunang at pinakahuling pastry na na-bake ko sa buong buhay ko.  Mga limang taong gulang pa lang ako noon at kasama ko ang lola ko sa pinakaunang at pinakahuling beses kong mag-bake.  Sinamahan ko pa siya sa tindahan para bumili ng mga sangkap sa crinkles--ang natatandaan ko lang ay mayroong itong harina, confectioner's sugar, at vanilla.  Di ko na matandaan ang ibang sangkap nito. Noong nag-bake kami, natatandaan ko na sobrang hilig ko sa confectioner's sugar--mas marami ata ang nakain kong confectioner's sugar noon kesa sa dami ng confectioner's sugar na napunta sa mga crinkles.  Dahil marami ang ginawa naming crinkles, binigay namin sa mga kapitbahay ang aming crinkles at sinabi nila sa amin na masarap daw ito.  Isa ito sa mga pinakamasayang alaala ng kabataan ko.
  Ako, isang beses ko lang sinubukan ang gumawa ng crinkles, pero mayroon akong kaibigan na ang negosyo ng kanyang pamilya ay ang mag-bake at magbenta ng mga pasalubong ng Baguio--oo, mga crinkles, peanut brittle, choco flakes, at iba pa.  Pangalan ng tindahan nila ay--ano pa ba?--Pasalubong ng Baguio.  Dito pumapasok ang salitang kaibigan--alam na alam ng kaibigan ko na iyon na sa lahat ng mga pasalubong na nabibili sa Baguio, ang pinakapaborito ko talaga ay ang crinkles.  Labing-isang taong gulang ako noong nagsimula akong pumunta sa bahay niya. Kapag dumadalaw ako sa bahay niya, may nakahanda na siyang isang plato ng crinkles para sa akin.  Mainit pa ito at sobrang bango.  Habang kami ay nagkukuwentuhan o naglalaro, kinakain namin ang napakasarap na pagkain na ito at pagkatapos, magpapasalamat ako.
  Sobrang saya talaga doon sa bahay ng kaibigan ko, pero nang lumipas ang oras dumating din ang taon na kailangan ko nang lumipat dito sa Manila.  Siyempre, nalungkot ako dahil gusto kong makasama ang mga kaibigan ko sa Baguio at wala naman masyadong pasalubong ng Baguio na pagkain dito.  Tapos, isang araw sa paaralan, nalaman ko na nagbebenta daw sila ng crinkles sa kapeterya naminNaging masaya ako dahil medyo matagal ko nang di kinakain ang napakatamis na pagkain na ito at gusto ko na siyang malasahan ulit.  Ngunit, noong pumunta ako sa kapeterya para bumili ng crinkles na limang piso lang kada isang piraso, nadismaya ako ng sobra-sobra.  Ano 'tong maliit na cookie na ito?  Medyo matigas siya, ah.  Di rin masyadong matamis.  Di niya kasing-lambot o kasing-tamis ang kahit anong crinkles na mabibili sa Baguio.  Tapos yung hugis niya, masyadong payat.  Alam ko may mga crinkles na payat talaga, pero hindi ako pinalaki sa ganoong crinkles.    Mas lalo lang ako nalungkot at nadiskubre ko na lahat ng crinkles sa Manila ay ganito.  
Ito lang ang crinkles na mahanap ko sa buong Katipunan. Ang pangit niya kung ikukumpara mo siya sa mga larawan sa taas.  Para sa akin, wala talagang kapalit ang crinkles ng Baguio. 

     Tuwing uuwi kami ng Baguio (sobrang bihira na), o kapag pupunta ang mga magulang ko ng Baguio, hindi na nila tinatanung sa akin kung ano ang gusto kong ipabili na pasalubong dahil alam nila na crinkles ang hihingin ko.  Alam din nila na mas matutuwa ako kapag binili nila ang crinkles mula sa Pasalubong ng Baguio, ang tindahan ng kaibigan ko.  Tapos pag-uwi nila, ibibigay nila ang malaking lagyanan na crinkles ang laman sa akin at habang kinakain ko ang napakasarap na crinkles, pumapasok sa isip ko palagi na sa Baguio--ang aking bahay, ang aking puso, ang aking tahanan-- lang talaga mahahanap ang crinkles na ganitong kalambot, ganitong katamis, ganitong kasarap.    
  Tuwing may mga kaibigan ako na kumakain ng crinkles at sinasabi nila na sobrang sarap niya, napapangiti lang ako. Kung alam lang nila, hindi lang ito matamis na pagkain para sa akin: ito ay ang aking kabataan, ang aking mga kaibigan, at ang aking tahanan.