Sa sobrang dami ng mga tao at pang araw-araw na pangyayari sa LRT, minsan lang magkakaroon ng insidente na may isang taong makakaisip na magrekord ng isang pangyayari na nakakatawag ng pansin. Sa totoo lang marami ang mga isyu sa LRT. Magnanakaw, baliw, nagpakamatay, at kung ano-ano pa. Ang nakakatawag na pansin na pangyayari na nirekord dito ay, kung tutuusin, medyo karaniwan naman. Ito ay isang away sa pamamagitan ng dalawang babae.
"NO!" Sa simula pa lang ng video, alam mo na kaagad na hindi siya positibo. Kitang kita ang galit sa mukha ni ate. Parang sobrang pangit naman ng araw niya. Ano kaya ang nangyari sa kanya bago ang pangyayaring ito? Nagmamadali kaya siya kasi nahuli ang gising niya, hindi na nga siya nakapag-almusal, noong lumabas siya ng bahay may bumuhos na tae ng ibon sa katawan niya, naiwan niya cellphone niya sa bahay, hindi sinasagot ng syota niya ang tawag niya, ang init talaga sa LRT (siksikan pa), tapos meron pa siya, at ngayon may guwardiya dito na kumakalabit sa kanya ng ganyan, kung kailan sobrang pangit na ng araw niya? O trip lang ba ni ate magalit sa guwardiya?
Hindi na malalaman ng manunuod kung anong meron kay ate at sobrang init ng ulo niya. Ang makikita lang ay ang inis na inis na damdamin sa mata niya habang tinuturo niya ang sarili niya at sinisigaw niya sa guwardiya, "So now you're making me look like a laihyer? AMALAYER? SO YOU'RE TELLING ME AHMALAYER?! AHMALAYER! ANSWER ME ANSWER ME AMALAYER??!"
Sa kabuuan ng video, puro ganun lang ang sinisigaw ni ate sa guwardiya. Yung guwardiya naman, walang imik. Hindi sumasagot, tahimik niya lang tinatanggap ang mga insulto ni ate. Likod lang ng guwardiya ang makikita sa video pero siguro ang makikita na damdamin sa mukha niya ay nasasaktan o kaya'y naiinis din. Hindi marinig sa video, pero humingi ng patawad ang guwardiya. Sagot naman ni ate, "'Sorry po.' That's how you say sorry?" Sabay sigaw pa, magalit pa, ilagay ang kamay sa bewang sa sobrang inis, tapos hair flip dito at hair flip diyan dahil haaay, nakakairita talaga 'tong guwardiya na 'to na sinira ang araw ko dahil ginagawa niya lang naman ang trabaho niya.
Sa sobrang dami ng mga tao at pangyayari ngayon sa LRT, minsan may makaka-rekord ng mga karaniwan na pangyayari, katulad ng away sa pamamagitan ng dalawang babae. Ang malungkot ay karaniwan nga ang mga ganitong sitwasyon sa Pinas. Hindi si ate ang pinakaunang babae sa bansa na nagalit at nainis sa guwardiya na ginagawa lang naman ang trabaho. Hindi lang guwardiya--mga Pilipino ngayon, nagagalit sila sa mga pinakamaliit na bagay: barista, sabi ko ayaw ko ng asukal sa kape ko, gusto mo ipatanggal kita sa trabaho?; Ano ba yan, sabi ko ayaw ko ng ketchup sa burger ko, bato ko kaya 'tong burger sa mukha mo?; Ano ba problema mo? Miss, she'salayer.
May mga oras na nakakalimutan natin na tao din pala ang kausap natin, at karapatan ng lahat ng tao ang mabigyan ng respeto. Hindi lang mahalaga ang mensahe na pinapahatid; minsan, mas mahalaga ang paraan na ginagamit upang ipahatid ang mensahe.